SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
TINILIAN, pinag-usapan, pinagkaguluhan ang trailer ng digital series ng Puregold Channel, ang Si Sol at si Luna na nagtatampok kina Zaijian Jaranilla at Jane Oineza. First time kasing mapapanood ang pagiging daring lalo ni Zaijian na dati-rati’y napapanood sa seryeng may temang relihiyon.
Grabe ang hiyawan nang ipakita ang trailer ng online series sa isinagawang media conference noong Biyernes sa World Trade Center kasabay ng Tindahan ni Aling Puring and Sari-Sari Store Convention 2025 ng Puregold.
Bakit naman hindi?! May eksena kasing minuksang ng halik ni Zaijian si Jane kaya naman marami ang nagulat. May sumigaw pa nga sa batang aktor ng, ‘magagalit sa iyo si Bro, ‘Yari ka kay Bro,’ ‘lagot ka kay Bro,’ at ‘binata na si Zaijian.’
Pero siyempre, biro lang iyon sa aktor dahil tiyak tulad namin, nanibago rin ang mga nakasaksi sa trailer ng Si Sol at si Luna sa daring na eksena.
Sumikat at tumatak nang husto si Zaijian sa pagganap bilang Santino sa 2009 Kapamilya series na May Bukas Pa kaya hindi kataka-taka ang mga ibinatong biro kay Zaijian. Sa naturang palabas kasi’y madalas na kausap ni Santino (Zaijian) si Jesus Christ o Bro. Kaya malaking transition sa aktor ang serye na mula sa pagiging child actor, heto’t mature role na ang role na ginagawa.
“Thankful ako kung paano n’yo ako nakilala pero gusto ko ring ma-try at ma-experience ‘yung iba’t ibang roles talaga dahil iba ‘yung pakiramdam kapag gumaganap ka ng ibang karakter, parang sobrang self-satisfying po niya,” sabi ni Zaijian kung bakit tinanggap at ginawa ang serye at hindi nag-atubiling gawin ang daring scene.
Napuri nga siya rito ng kanilang direktor na si Dolly Dulu gayundin ng Puregold Festival Director na si Chris Cahilig.
Promising naman talaga ang istorya ng Si Sol at si Lunana may 13-episode online na mapapanood sa Puregold Channel sa Youtube simula Mayo 31 at maglalabas ng mga bagong episode tuwing Sabado.
Hindi itinanggi ng dating child actor na sobra siyang kinabahan bago gawin ang naturang eksena.
“Hindi ko talaga akalain na gagawin ko ‘yun. Honestly, noong gagawin na namin ‘yung eksena, hindi talaga ako mapakali, ramdam ni direk Doly ‘yung bigat na… sobrang hirap po talaga para sa akin ng eksena. Parang ‘mapu-pull-off ko ba ‘to?’
“Pero ‘yun, dahil sa tulong din ni direk Dolly, ni Ate Jane, sobra akong nadalian sa eksena,” paliwanag ni Zaijian nang makahuntahan namin ito after ng mediacon proper.
Alumpihit at tila nahihiyang sinagot ni Zaijian nang mausisa kung marunong ba siyang humalik in real life.
“Siguro po, ang masasabi ko lang is marunong po akong humalik,” nakangiting sagot ng 23 taong gulang na binata na siyempre pa’y na-inlove na rin naman kaya hindi siya nahirapang gampanan ang kanyang role.
Sinabi naman ni Jane nang uriratin ang ukol sa eksena, “Siyempre, teamwork ‘yon. It takes two to tango. So, kailangan sa eksena, siyempre kahit naman may nagawa akong ganoon before, first time rin namin ‘yung gagawin na kami nasa eksena.
“So it’s always siyempre something new. You have to get to know siyempre your co-actor, ‘di ba, and what helps.
“Of course, naroon ‘yung alalay kasi siyempre, first time ni Zaijian. And andoon naman kami ni Direk Dolly as professionals. So, nabantayan naman ‘yung eksena at saka, ‘yun nga, everything was professional.”
Hindi naman diretsang sinagot ni Jane ang tanong kung good kisser ba si Zaijian. Bagkus sinabi nitong panoorin na lang ang eksenang iyon.
Ang Si Sol at si Luna ay kuwento ng 18-year-old film student na si Sol (Zaijian) at ng 30-year-old woman na si Luna (Jane), na ipinagluluksa naman ang pagpanaw ng kanyang fiancé (Vaughn Piczon).
Ito ang sunod na tampok ng Puregold sa kanilang digital series na My Plantito at Ang Lalaki sa Likod ng Profile.
Ang seryeng ito ay maituturing na bagong yugto sa karera ng dalawa. Isang mapangahas na hakbang hindi lamang sa kanya kundi para sa industriya ng retailtainment sa bansa.
Ngunit higit sa senswalidad, ang tunay na kapangyarihan ng serye ay nasa masalimuot nitong pagtalakay sa dalamhati, pananabik, at ang hindi maipaliwanag na espasyo ng koneksiyon at tamang panahon.
Para kay Ivy Hayagan-Piedad, Puregold Senior Marketing Manager, ang ma malulungkot ngunit makabuluhang tanong na inilatag ng Si Sol at si Luna ay siyang dahilan kung bakit nakahihigit ito sa mga karaniwang romcom.
Kasama rin sa serye sina Joao Constancia, Uzziel Delamide, Lyle Viray, Jem Manicad, Marnie Lapus and the break-out star Atasha Franco.