Vientiane, Laos — Muling nagwagi ang 47-anyos na si Filipino at United States Chess Master Almario Marlon Quiroz Bernardino, Jr., isang beteranong sportswriter at radio commentator, sa pamamagitan ng pag-angkin ng unang pwesto sa katatapos na 3rd Laos International Chess Open 2024, ginanap sa 2nd floor ng Parkson, Naga Mall sa Vientiane, Laos nitong nagdaang 1-6 Setyembre.
Sa ilalim ng gabay ng 1996 RP Junior Champion Coach FM Robert Suelo, Jr., at sa buong suporta nina Mers Lodronio Suelo, at ALC Group of Companies Chairman/CEO D. Edgard Cabangon, ipinamalas niya ang kanyang kahusayan sa pandaigdigang entablado.
Ang dating nangungunang manlalaro ng Rizal Technological University (RTU) sa Barangay Malamig, Mandaluyong City chess team noong kalagitnaan ng dekada 90, ay namayani sa FIDE Standard Tournament sa pamamagitan ng pagkuha ng 5 panalo at 4 tabla upang makalikom ng kabuuang 7 puntos sa 9 round ng kompetisyon.
Ang kanyang kapansin-pansing pagganap ay hindi lamang nagbigay sa kanya ng unang puwesto kundi nag-ambag din nang malaki sa Philippine chess team.
“Una sa lahat, salamat sa Diyos, iniaalay ko ang aking tagumpay sa aking bansa! Nais ko rin pasalamatan ang aking coach na si 1996 RP Junior Champion FM Robert Suelo, Jr., ang kanyang asawang si Mers Lodronio Suelo, at si ALC Group of Companies Chairman at CEO D. Edgard Cabangon sa kanilang buong suporta sa aking international chess campaign,” ani Bernardino, karangalan ng Quezon City at Mandaluyong City, na isang online Arena Grandmaster.
Natalo ni NM Bernardino sina Feng Wenzhe ng China, Vilaphen Phaktong ng Laos, Franchesca Largo ng Filipinas, at Bui Ngoc Phuong Nghi ng Vietnam sa una at ika-apat na round.
Nabasag ang kanyang apat na sunod-sunod na panalo nang tumabla kina Mark Gabriel Usman at Jemaica Yap Mendoza ng Filipinas, Win Tun Htwe ng Myanmar, at Nguyen Le Minh Uyen ng Vietnam, ayon sa pagkakabanggit.
Tinalo niya si Arena FIDE Master Seo Juwon ng South Korea sa huling round upang makuha ang panalo.
Si NM Bernardino ay katatapos din magwagi sa 2nd edition ng IIEE-Bayanihan-Greenfield District Blitz chess tournament noong 9 Agosto 2024 sa Pavilion Mall, Greenfield District sa Mandaluyong City.
Matatandaan na si NM Bernardino ay nagwagi ng 2005 Arlington, Virginia USA Open Rapid Chess Championship. Nakuha niya ang kanyang National Master title nang matapos sa ika-pitong puwesto noong 1998 SSS Asian Zonal Elimination round na ginanap sa SSS headquarters sa East Avenue, Quezon City.
Sa parehong taon, nakuha ni Bernardino ang kanyang United States chess master title sa National Chess Congress na ginanap sa Adams Mark Hotel sa Philadelphia, Pennsylvania, USA.
Nakatakdang lumahok si Bernardino sa Singapore International Open mula 29 Nobyembre hanggang 5 Disyembre sa Resort’s World Sentosa Convention Center sa Singapore at sa 16th Penang Heritage City International Chess Open 23-27 Disyembre sa Penang, Malaysia.