ni Marlon Bernardino
NGAYON pa lang, dapat ay maghanda sina Americans World Boxing Council/World Boxing Association/International Boxing Federation welterweight champion Errol Spence, Jr., at World Boxing Organization welter king Terrence Crawford sa posibleng napipintong laban kay dating eight division world men’s pro boxing champion Emmanuel “Manny” Pacquiao, Sr.
Ito’y matapos manalo si Pacquiao via unanimous decision laban kay Korean mixed martial arts fighter DK Yoo sa “Pacman vs DK exhibition boxing match” na ginanap sa Korea International Exhibition Center sa Ilsanseo-gu, Goyang City, Gyeonggi Province, South Korea nitong Linggo.
“Of course, I can fight Crawford,” sambit ni Pacquiao sa FightHype bago sumampa ng lona. “I can fight Terence Crawford or Spence.”
Kinakitaan ng husay ang pambansang kamao sa Round 5 matapos iwanan ang katunggaling Koreano na nakakasabay pa sa naunang apat na round.
Sa Round 6 ay pinabagsak ni Pacquiao si Yoo pero nagawa pa rin makatayo ng huli.
Sa ngayon, todo selebrasyon ang Team Pacquiao dahil sa natamong tagumpay ng Pinoy boxer.
Si Pacquiao na malapit nang maging 44-anyos sa 17 Disyembre, ay abala rin sa pagho-host ng Maharlika Pilipinas Chess League (MPCL) Manny Pacquiao International Open Chess Festival simula bukas, 13 Disyembre hanggang 17 Disyembre sa Family Country Hotel sa General Santos City na susundan ng Team event sa Dis. 18-19.
“It’s nice to be back in the ring especially in this charity exhibition match and I’m going to continue my training to be back in shape,” ani Pacquiao na may professional record na 62 wins, 39 knockouts, eight losses, at two draws.
Unang laban ito ni Pacquiao matapos matalo kay Yordenis Ugas na sinundan ng pagreretiro sa ibabaw ng lona.
Sa isang banda, ang mga bumubuo ng Maharlika Pilipinas Chess League ay sina IM Hamed Nouri, US Master Rodolfo “Jun” Panopio, Alex Dinoy, Arnel Pinero at Zaldy ng Guadalupe Chess Club.