Alas Pilipinas, bumagsak sa China sa U17 World Championship (FIVB Volleyball Girls)

Alas Pilipinas U17 World Championship FIVB Volleyball Girls

SAN FELIPE, Chile — Nagpakitang-gilas agad ang China sa pambungad na laro habang hindi naging tuluy-tuloy ang laro ng Alas Pilipinas, na yumuko sa 25-18, 25-21, 25-13, nitong Huwebes sa FIVB Volleyball Girls U17 World Championship.

Hindi na ikinagulat ang matikas na simula ng China, na nagkampeon sa U17 World Championship dalawang taon na ang nakalilipas at nagtapos na ikatlo sa 2025 Asian Women’s U16 Volleyball Championship.

Nagpakita ng malaking bentahe sa laki ang China sa pangunguna ng 15-anyos na kapitan na si Yachen Xuan, na kumana ng apat na blocks—kapantay ng kabuuang blocks ng Pilipinas.

Nanguna sa opensiba si Ruihan Chen na may 12 puntos mula sa 10 attacks at dalawang blocks, habang nagdagdag si Sichen Ren ng 11 puntos mula sa walong attacks, dalawang blocks at isang ace.

Bagama’t pabagu-bago ang laro ng Alas Pilipinas, naging mahalagang pagsubok ito para sa coaching staff dahil nakita ang lakas ng opensa ng koponan kasabay ng mga kahinaan sa depensa.

Nagpasiklab sa kanyang debut para sa Alas Pilipinas si Caera Celis, na bumira ng mabibilis na serves at mahusay na nakaiskor laban sa matibay na blocking ng China para magtala ng 13 puntos mula sa 12 attacks at isang ace.

Nagningning din si Khaira Manzano matapos umiskor ng dalawang solo kill blocks—kalahati ng kabuuang blocks ng Pilipinas—bukod sa isang attack at isang ace.

“Bahagi ng kompetisyon ang pagkatalo. Marami pa kaming laro at babawi kami bukas,” ani Celis.

Susunod na haharapin ng Alas Pilipinas, na sinusuportahan ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee at Asics, ang Mexico sa Biyernes at Tunisia sa Sabado bago magkaroon ng pahinga sa Linggo.

Naging malaking problema ng Pilipinas ang hindi maayos na reception, na nagdulot ng sunod-sunod na epekto—maling pasa, alanganing sets at kalaunan ay hindi epektibong pag-atake.

Si Xyz Rayco, nangungunang scorer ng Pilipinas sa Asian U16, ang isa sa mga mas matatag na passer ng koponan sa laban at nagtala rin ng pitong puntos, lahat mula sa attacks.

Aminado si Alas Pilipinas coach Edwin Leyva na malayo pa sa perpekto ang ipinakitang laro ng kanyang mga bata, ngunit sinabi niyang mahalagang karanasan ito para sa koponan.

“Napakalakas ng China at hindi namin iyon makokontrol. Pero mahina kami sa depensa at iyon ang kaya naming kontrolin. Kaya kailangan naming pagtuunan iyon sa training,” ani Leyva.

“Bukod doon, kailangan ding matutunan nilang huwag dalhin ang bigat ng isang pagkakamali sa susunod na play. Umaasa kaming matutunan nilang mabilis na mag-reset, magpatuloy at ituon ang pansin sa mga positibong bagay.” (AVC/HNT)