SAN FELIPE, Chile — Nagbunga ang matapang na desisyon ng coaching staff matapos pabagsakin ng Alas Pilipinas Girls ang Mexico, 25-19, 20-25, 25-19, 25-23, nitong Biyernes para makamit ang unang panalo ng bansa sa FIVB Volleyball Girls U17 World Championship.
Isinakripisyo ng Alas ang lakas sa frontline para sa mas matibay na depensa, kung saan ginawang libero si wing spiker Nadeth Herbon—at agad namang umani ng positibong resulta ang malaking pagbabago.
Naghatid si Herbon ng enerhiya sa depensa matapos maging kapos ang floor coverage ng koponan sa opening match laban sa China sa Liceo Particular Mixto San Felipe.
Dahil sa pagbabago, gumanda ang passing at naging mas episyente ang opensa ng Alas. Muli namang nanguna si Caera Celis, habang tatlo pang manlalaro ang umiskor ng double figures.
Dahil dito, naging ikalawang koponan lamang ng Pilipinas ang Alas na nakapagtala ng panalo sa world championship, kasunod ng koponang pinangunahan ni Bryan Bagunas sa FIVB men’s worlds noong nakaraang taon.
Kumamada si Celis ng 24 puntos, mula sa 22 attacks, isang block at isang ace, habang nagdagdag si Xyz Rayco ng 15 puntos mula sa 12 attacks, dalawang aces at isang block.
May 10 puntos si Jhaynna Bulandres, kabilang ang pitong attacks at tatlong puntos mula sa service line.
Malaking ambag din si Madele Gale, na kumolekta ng lima sa walong total blocks ng koponan habang bumawi ang Alas mula sa alanganing simula upang itaas sa 1-1 ang kanilang kartada.
Ang makasaysayang panalo ay umabot hanggang sa Grand Four Wings Hotel, kung saan pinamumunuan ni Ramon “Tats” Suzara ang Congress of the Asian Volleyball Confederation bilang pangulo nito.
“This is a breakthrough for the country, a victory on the world stage,” ani Suzara, na agad ibinahagi ang magandang balita kina FIVB president Fabio Azevedo at dating pangulo Ary Graca na dumadalo rin sa kongreso.
Nangunguna ang China sa Pool B tangan ang 2-0 karta, habang tabla sa 1-1 ang Pilipinas, Mexico, Venezuela at Peru. Wala pang panalo ang Tunisia sa 0-2.
Pasok sa susunod na round ang top four teams sa bawat pool.
Makakaharap ng Pilipinas ang Tunisia sa Sabado bago magpahinga ang torneo. Sa Lunes, Peru naman ang katunggali ng Alas bago tapusin ang pool play kontra Venezuela sa Martes.
“Hindi kami tumitingin nang masyadong malayo, pero ipinapakita ng panalong ito na gumagana ang programa at kaya ng mga batang ito na makipagsabayan sa world stage,” ani Alas Pilipinas U17 team manager Karl Chan.
Ayon kay coach Edwin Leyva, bagama’t nagpakita si Herbon ng husay sa frontline laban sa China, nakita ng coaching staff na mas magiging mahalaga ang kanyang defensive instincts para patatagin ang backline.
Nagsimula si Herbon bilang libero kasama si Frances Ramos sa rotation, habang inilipat naman si Taj Tevez sa offensive side.
Pinili si Herbon hindi lamang dahil sa kanyang kakayahan kundi dahil sa mataas niyang energy sa loob ng court—isang papel na ngayon ay buong puso niyang tinatanggap.
Malaki rin ang naging pagbabago sa kanyang pakiramdam mula sa biyahe papunta sa venue.
“Kinabahan ako sa biyahe. Hindi ko maiwasang isipin kung ano ang kailangan kong gawin,” ani Herbon, na nakatulong din sa opensa sa pamamagitan ng maayos na set-up para kina Celis at Bulandres sa net.
“Masaya ako dahil sa tingin ko nagawa ko ang kailangan sa court. Masaya rin ako na natuwa ang mga teammate ko sa resulta. Buong-buo kong tatanggapin ang papel na ito hanggang sa huli,” dagdag niya.
Samantala, tampok din sa AVC Congress ang kauna-unahang AVC Gala Night, kung saan tatanggap sina Sisi Rondina at Bernadeth Pons ng Fans Choice for Beach Volleyball Award, habang si Bryan Bagunas naman ang tatanggap ng Fans’ Choice Men’s Volleyball Award. (AVC/HNT)
