TAGAYTAY — Patunay ang matagumpay na kampanya ng mga atletang Pinoy na tama ang desisyon ng bansa na mag-host ng mga pandaigdigang torneo, ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick Gregorio.
Ani Gregorio, mahalaga ang pagho-host ng mga internasyonal na kompetisyon upang mabigyan ng pagkakataon ang mga lokal na atleta na mahasa, makilala at makatikim ng tagumpay sa pandaigdigang entablado.
“Ito ang dahilan kung bakit tayo nagho-host ng mga international event—para maipakita ang ating mga atleta at mapaunlad ang kanilang kakayahan. Para mabigyan sila ng pagkakataong manalo sa international level,” ani Gregorio.
Sa 10th Aero Gymnastics Asian Championships na ginanap sa Tagaytay CT Velodrome, umani ang Pilipinas ng isang ginto, isang pilak at tatlong tanso sa torneo na inorganisa ng Gymnastics Association of the Philippines at sanctioned ng Asian Gymnastics Union.
Pinangunahan nina Rhimel Daniel Cabides at Antonette Amante, kapwa 14-anyos at mga standout sa Palarong Pambansa, ang kampanya ng bansa matapos masungkit ang ginto sa youth mixed pairs sa kanilang unang international competition, tangan ang 17.80 puntos.
Nag-uwi rin ng tanso sina Rhys Enoch Balmayor, 11, at John Mikaela Ladaran, 13, na kapwa taga-General Santos, matapos makakuha ng 17.150 puntos.
“Grassroots gymnastics at its best. Tingnan ninyo, 13 at 14 years old pa lamang sila. Pero kapag umaakyat sa entablado, akala mo sanay na sanay na,” ani Gregorio.
“Malaki ang naitutulong ng hometown advantage. Iba ang kumpiyansa kapag sariling bansa at sariling kababayan ang sumusuporta.”
Ayon sa PSC chief, mahalaga ang exposure sa malalaking torneo lalo na sa mga batang atleta dahil nagsisilbi itong dagdag-kumpiyansa at paghahanda sa mas mataas na antas ng kompetisyon.
“Hindi natin dapat kalimutan na ang ating mga dakilang Olympian at atleta ay nagsimula rin sa murang edad, 10 o 11 taong gulang, bago naging matagumpay sa international stage. Kaya hindi na natin dapat bitawan ang mga batang ito,” dagdag niya.
Bukod sa paghubog sa mga atleta, naging tulay din ang torneo sa pagsusulong ng sports tourism, partikular sa Tagaytay.
Halos 400 atleta mula sa 12 bansa ang nanatili sa lungsod sa loob ng limang araw.
“Complete package ang hosting natin. Nanalo ang ating mga atleta ng medalya habang naipino-promote naman natin ang sports tourism. Iyan ang perfect strategy ng Philippine Sports Commission,” diin ni Gregorio. (PSC/HNT)
