NBOC bukas, PEKAF tututok sa mas malaking entablado para sa Arnis

NBOC PEKAF Arnis

MANILA — Nagtipon ang 358 pinakamahusay na arnisador mula sa Luzon, Visayas, Mindanao at National Capital Region para sa pagbubukas nitong Sabado ng National Battle of Champions (NBOC) ng Philippine Eskrima Kali Arnis Federation (PEKAF) sa Rizal Memorial Coliseum.

Pinangunahan ni PEKAF President at National Chairperson Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri ang seremonya kasama sina Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara, Philippine Sports Commission Chairman John Patrick “Pato” Gregorio at Manila Sports Council Director Dale Evangelista, kinatawan ni Manila Mayor Isko Moreno.

Binigyang-diin ni Gregorio ang suporta sa pagpapalawak ng arnis sa mga pandaigdigang kompetisyon, kabilang ang Southeast Asian Games, habang inihayag din ang planong pagdaraos ng Southeast Asian Sports Tourism Summit kasabay ng mga aktibidad ng ASEAN sa Pilipinas ngayong Nobyembre.

Ang NBOC ang magsisilbing national seeding program ng PEKAF kung saan ang mga nangungunang atleta ay maaaring mapasama sa training pool ng Philippine National Arnis Team.

“Hindi lang basta 358 athletes ang nandito ngayon. These are champions from Luzon, Visayas and Mindanao who fought their way here, and some of them may become the next members of our Philippine National Arnis Team,” ani Zubiri.

Inihayag naman ni Gregorio ang cash incentives para sa mga miyembro ng national team na lumahok sa katatapos na 18th World Eskrima Kali Arnis Federation World Championship sa New Delhi, India.

Sa kabila ng maliit na delegasyon na walong atleta at tatlong coach, umani ang Pilipinas ng 19 ginto, apat na pilak at isang tanso.

“Ito na siguro ang mga susunod na Alex Ealas ng arnis. Imagine that: eight athletes, 24 medals. Masarap mangarap what our arnis athletes can achieve if we give more of them the training, exposure and support they deserve,” dagdag ni Zubiri.

Pinaglalabanan sa NBOC ang 92 gintong medalya sa Seniors at Juniors divisions. Kasali rito ang mga gold at silver medalists mula sa mga qualifying tournament sa Luzon at NCR, Visayas at Mindanao.

Bilang panauhing tagapagsalita, nangako si Angara na itutulak ang pagsasama ng arnis sa mga scholarship program ng National Academy of Sports sa New Clark City, Capas, Tarlac, gayundin ang pagdaragdag ng mga event para sa arnis sa susunod na Palarong Pambansa.

“Kung mas maraming kabataan ang mabibigyan ng pagkakataong matuto at lumaban sa arnis, mas marami tayong madi-discover na future champions,” ani Zubiri.

“Arnis is our national martial art and sport, and our young people should know that they can build a future in a sport that is truly our own.”

Inihayag din ni Zubiri ang mga plano ng PEKAF sa mga susunod na buwan, kabilang ang pagbuo ng Asian Arnis Federation, pagdaraos ng Asian Arnis Championship at patuloy na kampanya para maisama ang arnis sa SEA Games.

“Our dream is bigger than just one tournament. Gusto nating dumating ang panahon na regular nang nilalaro ang arnis sa SEA Games, may Asian championships tayo, at may Filipino athletes na recognized across the region as the standard in the sport that came from our own country,” ani Zubiri.

Naging tampok din sa opening ceremony ang video message ni Sparkle actor at Pinoy Big Brother 2025 second runner-up Heath Jornales, isang arnis practitioner na hinikayat ang mga kalahok na pairalin ang sportsmanship. Inanunsyo rin siya ni Zubiri bilang bagong “Arnis Ambassador” ng PEKAF.

“Arnis was born here. Dapat tayo rin ang manguna sa pagpapalago nito sa buong mundo. The champions we are watching today can be the athletes who will carry our flag tomorrow,” pahayag ni Zubiri. (PSC/HNT)