WALANG patawad na ipinamalas ang defending champion Criss Cross King Crunchers matapos durugin ang 3B Event Masters, 25-13, 25-15, 25-13, upang masungkit ang top seed sa semifinals ng 2026 Spikers’ Turf Invitational Conference nitong Miyerkules sa Filoil EcoOil Centre.
Bumangon ang King Crunchers mula sa muntikang pagkatalo kontra VNS-Laticrete at ipinakita ang kanilang tunay na lakas upang manatiling walang talo sa walong laro at masiguro ang No. 1 spot sa semifinals.
Ganap na kinontrol ng Criss Cross ang laro at nanaig sa lahat ng aspeto, tampok ang malaking bentahe sa attacks, 48-22, blocks, 7-3, at service aces, 6-0.
Pinangunahan ni Jude Garcia ang opensa sa naiskor na 11 puntos mula sa siyam na attacks at dalawang blocks, habang nag-ambag din ng limang excellent digs.
Nagdagdag naman sina Francis Saura at Poy Colinares ng tig-walong puntos sa loob lamang ng dalawang sets sa 63 minutong dominasyon ng King Crunchers.
Aminado si Colinares na nagsilbing babala sa kanilang kampo ang muntikang pagkatalo kontra VNS-Laticrete noong Linggo, kung saan kinailangan nilang dumaan sa limang sets bago makuha ang panalo.
Dahil dito, mas naging determinado silang paghandaan ang bawat kalaban at bigyang-halaga ang bawat puntos sa kanilang mga susunod na laban.
May tig-pitong puntos sina Kennedy Batas at Lucca Mamone, habang nag-ambag naman ng tig-limang puntos sina Jaron Requinton at Pemie Balagay.
Naging susi rin sa panalo ang mahusay na distribusyon ng bola ni Adrian Villados na nagtala ng 13 excellent sets para mapagana ang opensa ng Criss Cross.
Hahangarin ng King Crunchers na tapusin nang malinis ang elimination round sa pakikipagtuos sa Far Eastern University-DN Steel ngayong Huwebes, alas-3:30 ng hapon, sa SM Mall of Asia Arena.
Samantala, nagtapos sa malungkot na kampanya ang Event Masters matapos malasap ang ikapitong sunod na pagkatalo at magtapos sa ika-siyam na puwesto tangan ang 1-8 kartada.
Si Harry Ocay lamang ang umabot sa double figures para sa 3B sa naiskor na 11 puntos, bukod pa sa pitong excellent receptions. (PVL/HNT)
