BIR, kinilala ang BOC sa pakikipagtulungan sa pagpapalakas ng revenue collection

BoC BIR

KINILALA ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Bureau of Customs (BOC) bilang pagkilala sa matatag nitong pakikipagtulungan at mahalagang suporta sa mga programa at inisyatiba ng ahensya sa pagdiriwang ng ika-122 anibersaryo ng BIR na may temang “Husay at Dangal ng Lingkod-Bayan ng BIR” noong Hulyo 31, 2026.

Tinanggap ni Assistant Commissioner Atty. Vincent Philip C. Maronilla ang pagkilala sa ngalan ng BOC, bilang pagpapatibay sa patuloy na pangako ng ahensya na palakasin ang ugnayan at koordinasyon sa iba pang sangay ng pamahalaan upang isulong ang mga layunin ng pamahalaan sa paglikom ng kita at paghahatid ng mas mahusay na serbisyo publiko. Pinarangalan ng BIR ang BOC bilang isa sa mga kinikilalang BIR KAAGAPAY, bilang pagkilala sa mahalagang ambag nito sa pagsusulong ng dekalidad na serbisyo na nakabatay sa integridad, propesyonalismo, at matibay na ugnayang institusyonal.

“Ang parangal na ito ay para sa lahat ng bumubuo sa Bureau of Customs na patuloy na ginagampanan nang buong husay at integridad ang kanilang mga tungkulin. Ipinapakita rin nito ang halaga ng matibay na koordinasyon sa pagitan ng BOC at BIR sa maayos at epektibong pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan,” ani Assistant Commissioner Maronilla.

Malugod namang tinanggap ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang naturang pagkilala at sinabi na ito ay patunay ng kahalagahan ng pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan sa paghahatid ng makabuluhang resulta para sa sambayanang Pilipino.

“Ang pagkilalang ito ay patunay na kapag nagtutulungan ang mga ahensya ng pamahalaan, mas malaki ang ating nagagawa para sa bayan. Sa Bureau of Customs, patuloy nating isinusulong ang mga direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang revenue collection, sugpuin ang katiwalian, at gawing mas mabilis, mas episyente, at mas transparent ang serbisyo sa publiko. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, mas mapapalakas natin ang tiwala ng mamamayan at maiaangat ang antas ng serbisyo para sa bawat Pilipino,” ani Commissioner Nepomuceno.

Sa ilalim ng Integrity, Accountability, and Modernization (IAM) BOC Movement na isinusulong ni Commissioner Nepomuceno, nananatiling nakatuon ang Bureau of Customs sa pagpapatibay ng pakikipag-ugnayan sa iba pang mga ahensya ng pamahalaan, pagsusulong ng mga repormang institusyonal, at pagsuporta sa whole-of-government approach upang higit pang mapahusay ang pangangasiwa sa pangongolekta ng kita, mapaunlad ang paghahatid ng serbisyo publiko, at makapag-ambag sa pangmatagalang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa. (BONG SON)