PH Aero Gymnastics, dagdag-silver at bronze sa Asian meet

PH Aero Gymnastics

TAGAYTAY CITY — Tinapos ng Pilipinas ang matagumpay nitong kampanya sa 10th Aero Gymnastics Asian Championships nang masungkit ang silver medal sa senior team aero dance at bronze sa senior mixed pair nitong Biyernes sa Tagaytay CT Velodrome.

Sa saliw ng makukulay na musikang hango sa mga katutubong sayaw ng Pilipinas hanggang sa tanyag na “Budots,” naghatid ng sorpresa ang mga Pinoy debutant matapos umiskor ng 16.60 puntos para sa pilak.

Pinangunahan nina beteranong pambansang atleta Arcanio Cadlos at Charmaine Dolar ang koponan kasama sina Enrico Ostia, James Dominick Yray, Jhon Jeoffrey Cañones, magkapatid na Dorothy Grace at Danielle Asuncion, at Princess Johanna Pama.

Nanguna ang Vietnam sa 17.250 puntos, habang nalampasan ng Pilipinas ang Mongolia para sa silver.

Muling nag-medalya sina Cadlos at Dolar, mga silver medalist sa 33rd Southeast Asian Games sa Thailand noong nakaraang taon, matapos kunin ang bronze sa senior mixed pair sa kanilang paboritong event sa iskor na 18.30 puntos. Nagkampeon at nag-runner-up ang dalawang pares mula Vietnam.

Sa youth aero dance naman, nakadagdag ang Pilipinas ng isa pang bronze medal sa iskor na 16.700 puntos.

Bumuo sa youth team sina Enoch Ryan, Jan Basmayor, Mikhaela Ladaran, Sean Emmanuel, Leona Shendrach, Jane Hallel Ramos, Anne Miguel Martin, Casey Meniano, Nathalya Facultad at Anne Haizzah Meniano.

“Super happy kami kasi lahat ng sacrifices namin naging sulit. Super unexpected kasi last entry po kami pagkatapos nag-silver po,” pahayag ni Pama, na nakatikim ng kanyang unang international medal.

Sa kabuuan, nagtapos ang Pilipinas na may isang ginto, isang pilak at tatlong bronze medal sa dalawang araw na kompetisyon na inorganisa ng Gymnastics Association of the Philippines (GAP) at pinahintulutan ng Asian Gymnastics Union.

“Masaya na po ako at naka-silver and bronze kami sa senior events. Pinaghandaan namin talaga ito,” ani national coach Alena Rius.

Ipinagmalaki rin ni Rius ang bronze nina Cadlos at Dolar dahil tinalo nila ang mga Vietnamese na world-rated.

“Malaking bagay talaga ang medalyang iyon dahil world-rated ang mga Vietnamese na nag-gold at silver,” dagdag niya.

Samantala, ikinatuwa ni GAP president Cynthia Carrion ang maayos na pagtakbo ng torneo na nilahukan ng 12 bansang Asyano at halos 500 atleta at opisyal.

Ayon kay Carrion, naging malaking ambag ang mahusay na organizing team at ang positibong pagtanggap ng mga kalahok sa kanilang pagho-host.

Lalo rin niyang pinuri ang pambansang koponan na lumampas sa kanyang inaasahan.

“Binigyan namin sila ng pagkakataong magtanghal sa harap ng kanilang kababayang manonood at ikinalulugod kong mahusay silang nagpakita sa kabila ng aming katamtamang inaasahan. Nakipagsabayan sila sa pinakamahuhusay sa Asia at mahusay ang kanilang ipinakita,” ani Carrion. (PSC/HNT)

Photo Caption: Humakot ng palakpak ang Philippine senior aero dance squad sa kanilang mahusay na pagtatanghal na naghatid sa kanila ng silver medal sa 10th Aero Gymnastics Asian Championships sa Tagaytay CT Velodrome. (GAP photo)