PORMAL nang sinalubong ng Araneta City ang kapaskuhan sa pamamagitan ng engrandeng Christmas tree lighting ceremony nitong Huwebes, tampok ang mga naglalakihang pangalan sa industriya ng showbiz at ang bagong higanteng Christmas tree sa temang “Your Christmas City.”
Naging tampok sa selebrasyon ang dambuhalang Christmas tree na may 10,000 bombilya at mahigit 4,000 palamuti, kabilang ang Christmas balls, candy canes at gift boxes. Mayroon din itong 12-talampakang palamuting bituin sa tuktok na hango sa tanyag na Christmas tree ng Rockefeller Center sa New York.
Matapos maging bahagi ng tradisyon ng Araneta City mula pa noong 1981 at magpalipat-lipat ng puwesto sa paglipas ng mga taon, mayroon na itong bagong tahanan sa Coliseum Plaza, ang pinakabagong pampublikong espasyo sa lungsod.
Naging gabi rin ito ng mga bituin sa pagdalo ng mga kilalang personalidad mula sa inaabangang 2026 Metro Manila Film Festival (MMFF), kabilang sina Vice Ganda, Maricel Soriano, Jodi Sta. Maria, Andrea Brillantes at Yassi Pressman.
Nagpasaya rin sa mga dumalo ang mga pagtatanghal nina Caley Hope Magno, Isay Alvarez, Robert Sena, River Joseph, Brent Manalo, Joaquin Arce, Lela Ford, Elha Nympha, Reiven Umali, Lyka Estrella, 1621, Day One at Mei Mei.
Nakibahagi rin sa pagdiriwang ang mga naggagandahang Binibining Pilipinas 2026 queens, habang sina Ralph de Leon at Aiyana Perlas ang nagsilbing host ng programa.
Tinuldukan ang masayang pagdiriwang sa pamamagitan ng engrandeng fireworks display na nagbigay-liwanag sa kalangitan at nagsilbing hudyat ng opisyal na pagsisimula ng kapaskuhan.
Mahigit apat na dekada nang bahagi ng taunang tradisyon ng Araneta City ang Christmas Tree Lighting Ceremony na nagsisilbing tagpuan ng mga pamilyang Pilipino tuwing Pasko.
Sa temang “Your Christmas City,” muling binuhay ang mga minamahal na tradisyon at atraksyon tulad ng Fiesta Carnival, Christmas on Display at mga Christmas show sa Big Dome. (HNT)
