PVL On Tour sa Isabela, kanselado dahil kay ‘Maymay’
MANILA – Kinansela ng Premier Volleyball League (PVL) ang nakatakdang On Tour Showdown sa Sabado (Agosto 8) sa Santiago Sports Arena sa Isabela dahil sa masamang panahon dulot ng Tropical Depression Maymay (Kujira).
Ayon sa liga, ginawa ang hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga manonood, manlalaro, coaches, opisyal, at iba pang sangkot sa torneo.
Dapat sanang tampukan ng doubleheader ang sagupaan ng ZUS Coffee kontra PLDT Home Fiber, bago sundan ng bakbakan ng Capital1 at Creamline.
Naging dahilan din ng kanselasyon ang pagkansela ng mga biyahe sa eroplano patungong Isabela simula pa noong Huwebes bunsod ng sama ng panahon.
Nagpaabot ng paumanhin si PVL president Ricky Palou sa mga volleyball fans sa Santiago City at buong Isabela, ngunit iginiit na higit na mahalaga ang kaligtasan ng lahat.
“Humihingi kami ng paumanhin sa aming mga tagasuporta na sabik sanang mapanood ang mga laban. Nauunawaan namin ang kanilang pagkadismaya, ngunit ang kaligtasan ng aming mga fans, manlalaro, coaches, opisyal at staff ang aming pangunahing prayoridad,” ani Palou.
Tiniyak din niya na hindi mapuputol ang pangako ng liga na dalhin ang PVL sa Santiago City.
“Natigil lamang ang mga laro dahil sa mga pangyayaring wala sa aming kontrol. Inaasahan naming makabalik sa Santiago City sa nalalapit na PVL All-Filipino Conference,” dagdag niya.
Inihayag din ng liga na ibabalik ang halaga ng lahat ng nabentang tiket para sa nakanselang mga laban. Ang detalye ng refund ay iaanunsyo sa mga opisyal na plataporma ng Ticketmax.
Patuloy namang tinatangkilik ng mga fans ang PVL On Tour, na matagumpay nang nakapagdaos ng apat na yugto sa Ilagan City, Batangas City, Vigan, at Polomolok. Sa huling parada sa Polomolok, umapaw pa ang mga manonood hanggang sa plaza kung saan naglagay ng higanteng LED screen upang masubaybayan ang mga laban. (PVL/HNT)