UMAPELA si Vice President Leni Robredo sa mga kabataan na may access sa social media na itama ang mga naglalabasang fake news at kasinungalingan ng mga gustong manalo sa halalan sa pamamagitan ng disinformation.
Naniniwala si Robredo sa mga kabataang tinawag niyang ‘digital natives’ na may access sa impormasyon ay maaaring itama ang kasinungalingan na ipinapalaganap sa social media ng kanyang mga kalaban, at binabaluktot ang kanyang mga pahayag at inilalagay siya sa ‘bad light.’
“Ang problema po, dahil sa social media, ‘yung mga sinasabi natin, binabaliktad para akalain ng tao na wala tayong maayos na programa para sa kanila,” ani Robredo sa isang political rally sa Naval, Biliran.
Aniya, dapat labanan ng mga kabataan ang fake news para manaig ang katotohanan.
“Karamihan po sa inyong mga kabataan, mga digital natives .. Alam ninyo kung ano ‘yung kasinungalingan, ano ‘yung katotohanan. Kaya dapat ipaglaban natin na ang laging mamayani ay katotohanan,” ani Robredo.
Binanggit ng bise presidente ang isang pahayag sa maritime industry ay ginulo at ang kabaliktaran ng kanyang sinabi. “Grabe ‘yung kasinungalingan,” aniya.
“Ang isa po sa flagship programs ko, ‘pag ako ay naging pangulo, asikasuhin ‘yung maritime industry. At sa pag-asikaso ng maritime industry natin, nandoon din ‘yung pag asikaso ng ating mga seafarers,” ani Robredo .
“Pero, dahil po sa fake news, ‘yung akin pong statement ay pinutol-putol,” paliwanag niya.
“Ang sinabi ko noon, ang daming oportunidad dahil mahuhusay ‘yung seafarers kaya dapat tulungan natin sila sa skills training na magpapataas pa ng kanilang suweldo,” dagdag nito.
Sinabi ni Senator Antonio “Sonny” Trillanes, tumatakbong senador sa ilalim ng Robredo-Pangilinan tandem, ang mga millennial ay lumalaban at nakikipag- ugnayan sa “well-paid trolls of the other camp.”
“May push back mula sa mga kabataan. Mga community-based volunteers. Ang daming independent initiatives to fact-check,” ayon kay Trillanes.
Nabanggit ni Trillanes, ang mga tao sa sektor ng edukasyon – kapwa guro at estudyante – ay lumalaban sa katotohanan.
“Hindi naman nakapagtaka kasi lahat ng malalaking paaralan ay inendoso si VP Leni. Sa mga survey sa campuses, lahat alam ang team Leni-Kiko,” dagdag ni Trillanes. (GINA GARCIA)