Palayasin ang bastos na Thai
hataw tabloid
May 9, 2015
Opinion
DAPAT lang palayasin ang damuhong taga-Thailand na bumastos at nang-insulto sa lahi nating mga Pilipino sa kanyang mga inilagay sa kanyang Facebook page kamakailan.
Tinutukoy natin ang hinayupak na si Prasertsri Kosin na gumagamit ng alyas na “Koko Narak” sa social media. Mantakin ninyong tinawag niya tayong mga Pilipino na “pignoys,” “low-class slum slaves,” “stupid creatures,” “wriggling cockroaches,” at “useless race in the world.”
Kung hindi ba naman sagad sa kawalanghiyaan ang hayup na ito, akalain ninyong nagawa niyang insultuhin ang lahi ng mga Pinoy samantala dito siya nagtatrabaho sa ating bansa. Kaya tama lang na sinibak siya noong Lunes sa pinapasukang Cognizant Technology Solutions Philippines Inc., isang tanggapan ng call center sa Taguig.
Matapos anihin ang galit ng sambayanan at malaman na ipinade-deport siya ng Bureau of Immigration dahil sa kanyang pang-iinsulto ay sumuko ang damuhong Thai sa mga awtoridad nitong Martes. Na-detain siya sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig.
Isinuko raw niya ang sarili matapos makatanggap ng mga pagbabanta bunga ng pang-iinsulto na kanyang ginawa. Natural lang na pagbantaan siya dahil na rin sa kanyang kawalanghiyaan.
Masuwerte pa nga ang impakto dahil kung natiyempohan siya ng mga halang ang bituka ay tiyak na may paglalagyan siya. Sana ay sinubukan niyang ipagsigawan ang mga pang-iinsultong iyon sa mga Pilipino sa gitna ng Baseco o kaya ay sa Tondo, at makikita niya ang hinahanap niya.
Sa totoo lang, nakita ko ang hitsura ng gago sa TV at mukhang mas malinis pa sa kanya ang mga mandurukot sa Quiapo. Ang hahaba ng kuko na parang pagkadumi-dumi at baboy siya sa katawan. Sa kabila nito ay nagawa pa niya tayong insultuhin.
Pinili ng naturang Thai na mag-voluntary deportation kaya lumalabas na inaamin niya ang deportation charge na isinampa ng BI. Bunga nito ay mas mapadadali ang pagsasaayos ng mga papeles sa kanyang deportasyon at ilalagay na sa “blacklist.”
Oo nga’t may umiiral tayong demokrasya pero hindi ito puwedeng abusuhin ng mga damuhong dayuhan na nagtatrabaho rito sa bansa para insultuhin ang ating lahi.
Sa isang liham ay humingi siya ng paumanhin sa mga Pinoy nang dahil sa kanyang mga nasabi. Akalain ninyong matapos ang nakaha-high blood niyang pang-iinsulto, mga mare at pare ko, ay sinabi niya sa liham na mahal daw niya ang ating bansa at tayong mga Pinoy. At humirit pa ang damuho na sana ay makabalik daw siyang muli sa Pilipinas.
Kagaguhan!
***
PUNA: “Sana ipalit ulo ’yong pahamak na illegal recruiter na nagpadala ng droga kay Veloso.
‘Yong recruiter ang ibigay at ipabitay sa Indonesia para madala ang mga sindikato na ito!”
***
TEXT 0946-8012233 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.