Monday , December 23 2024

Balik sa dating “modus” ang tambalang Erap-Ed?

00 Kalampag percyANTI-CORRUPTION campaign ang pangunahing isinulong ng administrasyong Aquino sa ilalim ng slogan na “tuwid na daan.”

Bago maluklok sa Palasyo noong 2010, ipinangako ng noo’y presidential candidate Benigno Aquino III na, “I will not only not steal, but I will run after thieves.”

At sa kanyang hu-ling State of the Nation Address (SONA) noong Lunes ay ipinagyabang niya na ipinakulong ng kanyang administrasyon sina GMA, Sens. Juan Ponce-Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla dahil sa mga kasong plunder.

Bilib na sana tayo kay PNoy kung wala sa tabi niya ang nangungunsinti sa pandarambong sa Maynila.

Masiglang-masigla na naman kasi ang tambalan nina ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada at secretary to the mayor Atty. Edward “Ed” Serapio.

Balik na naman ang modus operandi nilang pagtatayo ng shell company para ikubli ang mga kinukulimbat sa bayan, gaya nang ginawa nila sa mahigit dalawang taon sa Malacañang.

Si Serapio ang presidential legal adviser habang pangulo noon ng bansa si Erap at law partner ng Executive Secretary ni PNoy na si Paquito Ochoa Jr. sa MOST Law firm.

Makaraang mapatalsik ng EDSA 2 sa Palasyo ang administrasyong Estrada noong 2001 ay parehong kinasuhan ng plunder sina Erap at Ed dahil magkasabwat sila sa pagtatayo ng Erap Muslim Youth Foundation na pinaglagakan ng daan-daang milyong pisong dinekwat nila sa kaban ng bayan.

Akala ni Ed, isang bar topnotcher at valedictorian ng law class sa Ateneo, kapag isinali niya ang mga kapwa “intellectual” na UP professors ay maloloko nila ang publiko pero nagkamali siya dahil nahatulan sa kasong pandarambong ang amo nilang si Erap.

“Dummy” lang si Baviera sa JVA ng Quinta Market?

HINDI lang foundation ang itinatag ni Ed para ikubli ang nakaw na yaman ni Erap, sa ulat ng Phil. Center for Investigative Journalism (PCIJ) noong 2000, ilang shell companies ang itinayo niya para pagtaguan ng kuwestiyonableng ari-arian ng kanyang amo.

Ang kinaanibang law firm ang ginamit ni Ed para magtayo ng anim na shell companies para tumayong tagabili ng multi-bilyong halaga ng real estate properties ni Erap, gaya ng Boracay mansion sa Quezon City.

Bagama’t rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang nasabing mga kompanya na nakarehistro sa mga taong may kinalaman kay Ed, wala itong sapat na puhunan para bilhin ang mga bonggang ari-arian ni Erap.

Ganyan na naman ang iskemang ginawa nina Erap at Ed sa Quinta Market sa Quiapo, Maynila.

Pumasok si Erap sa isang joint venture agreement (JVA) sa Marketlife Management and Leasing Corp., na wala namang kakayahang pondohan ang P90-M Quinta market project.

Walang kaabog-abog ay nagsumite ng unsolicited proposal ang Marketlife kahit hindi pa ito rehistrado sa SEC at ang capital lang ay P3.2-M.

Isang Carlos Ramon Baviera na tauhan ng spiritual adviser ni Erap na si El Shaddai leader Mike Velarde ang pinuno raw ng kuwestiyonableng korporasyon.

Malaki ang posibilidad na si Baviera ay dummy lang ni Erap at ang tunay na nasa likod ng Marketlife ay ang sentensiyadong mandarambong.

Aba’y maraming dapat busisiin ang COA at Ombudsman kapag sinampahan ng kasong plunder sina Erap at Ed dahil sa katarantadohang ito.

Teka muna, kung totoo na may P9 bilyon na ang Maynila, gaya ng ipinagmalaki ni Erap, hindi na kailangang ipaubaya sa mga pribadong kom-panya ang mga public market sa lungsod.

Ano kayang klaseng mga batas ang itinuro ng Ateneo Law School kay Ed at walang patumangga kung makipagsabwatan siya sa mga kalokohan ng among addict sa pagnanakaw.

Walang “balls” si Luistro?

DALAWANG beses na palang inutusan ng Department of Education ang Sto. Niño Parochial School na ibigay na kay Krisel Mallari ang kanyang certificate of good moral conduct pero hindi sinunod.

Si Mallari ang nagbulgar ng mga alingasngas sa paaralan sa kanyang salutatory address kamakailan.

Nagbanta pa raw ang DepEd na tatanggalan ng lisensiya ang paaralan kapag hindi sinunod ang kanilang utos.

Maging ang utos ng Court of Appeals sa paaralan ay binalewala rin.

Tahasan ang paglabag sa batas ng eskuwelahang ito kaya nagtataka tayo kung bakit hindi totohanin ni Education Secretary Armin Luistro na alisan ng lisensiya para mapatunayan na hindi niya kinakampihan ang mga paring nasa likod nito.

Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *