Metro residents ‘thumbs up’ kay Tolentino
hataw tabloid
July 3, 2015
News
Aprubado para sa karamihan ang paglilingkod sa tungkulin ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Francis Tolentino, makaraang lumabas sa pinakahuling Pulse Asia survey na 93 percent ang nagsabing nasisiyahan at natunghayan nila ang pamamalakad nito sa MMDA.
Ang survey ay isinagawa noong Mayo 30 hanggang Hunyo 5 ay kumalap ng respondents mula sa iba’t ibang kategorya ng komunidad sa National Capital Region (NCR).
Hindi lamang ang pagmamando sa daloy ng sasakyan ang trabaho ng MMDA, sa halip ay tinututukan din nila ang pagbibigay ng basic services sa mga residente ng 16 na siyudad at isang munisipalidad sa Metro Manila, tulad ng pagbabantay at pagmamantine ng flood control, relief operations at Pasig River ferry service.
Ang Metro Manila ay may populasyon na 16.5 milyon nang si Tolentino ay naatasan ng Pangulong Benigno Aquino III na maging MMDA chairman noong July 2010.
Lumabas sa Pulse Asia survey na nakatanggap si Tolentino ng mataas na approval rating ukol sa kanyang performance mula sa lahat ng kategorya, na nakakuha siya ng 68 percent sa pinagsamang A, B, at C social classes, 73 percent sa class D, habang 63 percent sa class E na nagpahayag ng kasiyahan sa kanyang pamumuno at paglilingkod sa MMDA.
Sa age groups ay natanggap ni Tolentino ang pinakamataas ng approval rating na 76 percent, 72 percent sa mga kabataan, 69 percent sa mga college graduate, 70 percent sa mga may trabaho at 70 percent sa mga non-working respondent.
Ayaw namang magbigay ng komento si Tolentino hinggil sa magandang resulta ng nasabing survey kasabay ng pagsasabing marami pa ang dapat asikasuhin na trabaho sa MMDA at saka na lamang pag-usapan ang politika.
Si Tolentino ay isa sa mga miyembro ng gabinete na napipisil ng administrasyon na pambato sa senado para sa 2016 election dahil sa kanyang magandang performance at walang bahid ng anumang anomlaya.