2 dummy ni Binay wala na sa bansa (Bunyag ni Trillanes)
hataw tabloid
June 29, 2015
News
IBINUNYAG ni Senador Antonio Trillanes na nakalabas na ng bansa ang sinasabing dummy ni Vice President Jejomar Binay na si Eduviges “Ebeng” Baloloy, gayondin ang itinuturong bagman na si Gerardo Limlingan.
“Base sa ating impormasyon e nakalabas na ng bansa. Mayroon tayong leads kung saan nila dinala,” ani Trillanes.
Tumanggi ang senador na tukuyin kung saang bansa nagtungo sina Baloloy at Limlingan ngunit tiniyak niyang mayroon nang binuong tracking team para tumugis sa dalawa.
Aniya, “Hindi muna natin sasabihin ngayon at baka makalipat pa.”
Kompiyansa si Trillanes na malilimitahan ang paggalaw ng dalawa, oras na maihain ang mga kaso laban sa kanila.
Sabi ng mambabatas, “Hinahanap sila ngayon at eventually kung makakasuhan sa Sandiganbayan, liliit na ang mundo nila kapag na-cancel ang passport niyan.”
Hinamon din ni Trillanes si Binay na iharap sina Baloloy at Limlingan sa publiko upang mapatunayang wala siyang sala sa mga alegasyon ng korupsiyon laban sa kanya.
Magugunitang lumabas sa mga dokumentong isinumite ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa Court of Appeals na mayroong joint accounts ang Bise Presidente at si Limlingan.
Habang sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon subcommittee, ibinulgar ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado na mayroon din mga joint account sina Binay at ang long-time secretary niyang si Baloloy na naitalaga rin bilang executive secretary sa munispyo.
Una na rin inihayag ni Binay na wala siyang contact kay Limlingan.
Wala pang inilalabas na pahayag ang Bureau of Immigration, si Justice Secretary Leila De Lima at ang kampo ni Limlingan ukol sa pahayag ni Trillanes.