PATAPOS na ang summer ngunit lalong umiinit ang usapan ng politika sa darating na 2016.
Ilang araw lamang ang nakalilipas ay sinabi ni Vice President Jejomar Binay na umaasa siyang susuportahan kahit palihim ni Pangulong Noynoy Aquino.
Naging mabilis naman ang tugon ni PNoy dito: “Hinahanap ba niya ang suporta ko? 2010, sa ibang grupo siya tumakbo, 2013, nanguna siya ng ibang grupo. Parang medyo ang layo ng kurba?”
Hindi na nagulat ang mga haligi ng Partido Liberal na tila tinabla na ni PNoy si Binay. Matagal nang sinasabi nina Senate President Frank Drilon at Budget Secretary Butch Abad na taga-LP ang itatakbo ni PNoy at hindi galing sa ibang partido.
Hinimok naman ni Caloocan Representative Egay Erice si Binay na magbitiw na sa puwesto sa gabinete pagkatapos siyang tablahin ni PNoy.
Sa kabilang dako, pinuri ni PNoy si DILG Secretary Mar Roxas bilang “a true worker who always gets the job done.”
Sinabi ito kamakailan ni PNoy sa Sta. Barbara, Iloilo sa 117th Independence Day rites, bilang pagkilala sa kontribusyon ng Sta. Barbara sa laban para sa kasarinlan ng Filipinas. Sa bayang ito unang itinaas ang bandila ng Filipinas sa labas ng Luzon sa kainitan ng labanan noong 1898.
Dagdag ni PNoy, “You know, Mar Roxas, a true son of Panay, advanced this initiative,’’ noong talakayin ang kabubuo pa lamang na Negros Island Region, na inaasahang magiging malaking tulong sa ekonomiya sa rehiyon.
“In the past, we know that whenever we task Mar Roxas to lead a project or program, you can expect that initiative will succeed.”
Para sa maraming nakikinig ay isa na ito sa mga pahiwatig ni PNoy na kahit gumugulong pa ang mga konsultasyon sa LP at mga kaalyado ay tunay na si Roxas ang kanyang napupusuang ipagpatuloy ang reporma ng administrasyon sa 2016.