MULING iginiit ni Sen. Tito Sotto na “dark horse” sa nalalapit na halalang pampanguluhan sa 2016 si dating senador Panfilo Lacson dahil nasa kanya ang mga katangian para maluklok sa Malakanyang lalo sa determinasyong labanan ang korupsiyon at katiwalian.
“Dark horse. Kumbaga sa karerahan… mapapalingon ka. Basta dark horse talaga,” pahayag ni Sotto tungkol kay Lacson na siyam na taon niyang nakasama sa Senado. “He’s a decision-maker, he has no baggage. He is determined, he fights graft and corruption.”
Sinuportahan naman ng Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (4K) ang kandidatura ni dating Senador Panfilo Lacson kung lalaban siya sa halalang pampanguluhan sa 2016.
Ang 4K ang grupong nagbunyag sa pandaraya ng Super Lucky Beagler Inc., ni Julio “Boy” Jalandoni sa operasyon ng Small Town Lottery (STL) sa buong Region 6 sa hindi pagdedeklara ng tamang remittance sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kaya nanakawan ang gobyerno ng P3.5 milyon kada araw noong 2012.
Sa pagbubulgar ng 4K, kaagad sinuspinde ng PCSO chairperson noon na si Gng. Margie Juico ang operasyon ni Jalandoni na kilalang gambling lord sa Kabisayaan.
Ayon kay 4K Secretary General Rodel Pineda, malaki ang karapatan at posibleng manalo si Lacson kapag nagpasyang tumakbo sa 2016 dahil siya lamang ang naging senador ng bansa na hindi gumamit ng pork barrel sa kanyang termino at naglingkod bilang Yolanda Rehabilitation Czar sa Gabinete ni Pangulong Aquino kahit walang pondo.
“Tama ang sinabi ni Sen. Tito (Vicente) Sotto na malakas si Lacson kapag tumakbo sa 2016 elections dahil bukod sa may suporta siya ng mga retiradong opisyal ng pulisya at militar ay siya lamang ang nag-iisang politiko na hindi sumawsaw sa korupsiyon,” diin ni Pineda.
“Naghahanap ang mga tao ng matinong lider at isa si Lacson sa mga politikong hindi nasangkot sa katiwalian.”
“Malaki rin ang nagawa ni Lacson noong siya ang pinuno ng pulisya dahil napatino niya ang hanay ng mga pulis noon,” dagdag ni Pineda na dating miyembro ng Philippine National Police.
“Hindi tulad ngayon na kaliwa’t kanan ang mga pulis na nasasangkot sa iba’t ibang mga krimen. Kung magiging presidente si Lacson, tiyak na magbabalik ang dangal ng PNP dahil iginagalang siya at sinusunod ng mga pulis.” Idinagdag ng 4K na kapag nagpasiyang tumakbo si Lacson ay lubos na kikilos ang kanilang grupo para suportahan ang kandidatura nito dahil determinado ang dating senador sa paglaban sa graft at korupsiyon.