ARESTADO ang isang 37-anyos adik na taxi driver makaraan dukutin at iuwi sa kanyang bahay ang isang 9-anyos batang babae na iniwan ng kanyang lola sa hallway ng Philippine General Hospital (PGH) para magpunta sa tanggapan ng DSWD-PGH nitong Huwebes ng hapon sa Taft Avenue, Maynila.
Masusing iniimbestigahan sa Manila Police District-Police Station 5 ang suspek na si Rex Escota, ng Blk. 4, Lot 4, Daang Bata St., Brgy. Moonwalk, Parañaque City, makaraan ireklamo ni Rosalina Ruiz, 55, lola ng biktimang si Mary, ng Talon 5, Las Piñas City.
Ayon kay Ruiz, dakong 4 p.m. nang mawala ang kanyang apo noong Mayo 21 nang iwan niya sandali sa hallway ng PGH para magpunta sa tanggapan ng DSWD para humingi ng pinansiyal na tulong para sa ina ng biktimang nanganak sa nasabing ospital.
Pagbalik niya makalipas ng 30 minuto ay hindi na niya nakita ang apo kaya ini-report niya sa mga security guard ng PGH na tumulong sa paghahanap, at nang i-review ang CCTV ng gusali ay hindi nila nakita ang bata.
Kinabukasan, nakipagkita ang suspek kay Ruiz sa Ward 16 at inamin na kinuha at itinago niya ang bata sa Bacoor , Cavite.
“Kinompronta no’ng lola ‘yung suspek kung bakit niya kinuha ‘yung bata, pero binalewala, sa halip ay naglakad papalayo at sinabing magkita na lang sila mamayang hapon, hinabol ng lola at nagmakaawa na ibalik ‘yung bata pero hindi pa rin siya inintindi ng suspek kaya tumawag ng guwardiya ‘yung lola ng bata at ipinahuli ‘yung suspek na sabog pa sa drugs,” ayon kay Senior Insp. Michael Segundo, ng MPD-PS 5.
Inaresto ng mga security guard ang suspek at dinala sa himpilan ng pulisya. Nang kapkapan, nakuha sa bulsa niya ang isang sachet ng shabu.
Nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis sa bahay ng ina ng suspek sa 29 Pisces corner Emerald St., Salinas Tres, Bacoor, Cavite, at nakita roon ang bata.
Depensa ng suspek, bumalik siya sa PGH para hanapin ang mga magulang ng bata na kinuha lamang niya sa pag-aakalang nawawala.
Inihahanda na ng pulisya ang isasampang kasong serious illegal detention at illegal possesion of dangerous drug laban sa suspek.
Leonard Basilio