ANIM na paaralan ang nakatayo sa dinaraanan ng West Valley Fault.
Kabilang sa mga tinukoy ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Renato Solidum na mga eskwelahang lantad sa pinangangambahang pagtama ng magnitude 7.2 lindol ang Sitio Karahume Elementary School sa Bulacan; Barangka Elementary School sa Marikina; Tibagan Elementary School sa Makati; Anne-Claire Montessori sa Taguig; Alabang Elementary School sa Muntinlupa; at E. Pedro Diaz High School sa Muntinlupa.
Pinayuhan na aniya ang pamunuan ng mga eskwelahan na huwag nang gamitin ang mga gusaling sakop ng fault line para matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante.
Malakas na lindol ‘di dapat balewalain — Phivolcs
PINANGANGAMBAHANG ano mang oras ay gagalaw ang West Valley Fault at magdudulot nang napakalakas na lindol na posibleng ikasira ng tril-yon-trilyong halaga ng mga ari-arian at ikamatay ng libo-libo katao, ayon sa babala ng Phivolcs.
Dahil dito, muling nanawagan si Senador Sonny Angara sa mga kinauukulan na agarang magpatupad ng mga kinakailangang aksiyon upang paghandaan ang tinatawag na ‘Big One’ o ang lindol na maaaring yumanig at sumalanta sa ilang bahagi ng Kamaynilaan at mga karatig lalawigan.
Nauna nang nagpahayag si Phivolcs Director Renato Solidum na lubos na sasalantain sa posibleng pagyanig ang Metro Manila, Bulacan, Laguna, Rizal at Cavite, na magaganap sa ating panahon.
“Pangunahan na natin ang posibleng mangyari. Ngayon pa lang, alamin na natin kung ano ang maaari nating gawin sa mga komunidad na nasa earthquake-prone areas at sa mga kalapit na lugar. Hindi man natin ito maiwasan, maiibsan naman natin ang matinding dagok na idudulot nito sa atin,” ani Angara.
Noong 2013, makaraan ang mapaminsalang 7.2 lindol sa Cebu at Bohol, inihain ng senador ang isang resolusyong humihiling sa Senado na alamin ang iba’t ibang pag-aaral at hakbangin ng gobyerno upang paghandaan ang mga ganitong uri ng trahedya.
Ipinaalala ni Angara na ayon sa batas, ang Republic Act No. 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, lahat ng ahensiya ng gobyerno ay inaatasang lumikha ng iba’t ibang programang aagapay sa mga komunidad at mamamayan na maaapektohan ng mga pagyanig.
Sa isang pag-aaral kamakailan na tinaguriang “Greater Metro Manila Area Risk Analysis Project” ipinakikita na posibleng may lakas na magnitude 7.2 ang lindol na lilikhain ng paggalaw ng West Valley Fault. Dahil dito, tinatayang P2.4 trilyong halaga ng mga ari-arian ang mawawasak at 37,000 katao ang posibleng mamatay.
Task force para sa lindol inihirit
NANAWAGAN ang EcoWaste Coalition sa gobyerno na bumuo ng task force na tututok sa mga posibleng chemical-related accident kaugnay nang malakas na lindol na pinangangambahang tumama sa bansa.
Ito’y kasunod ng babala ng PHIVOLCS sa magnitude 7.2 lindol na posibleng maranasan sakaling gumalaw ang East at West Valley Fault at 33,500 indibidwal ang maaaring mamatay at 113,600 ang masasaktan.
Mungkahi ni Tony Dizon, coordinator ng Project Protect ng Eco-Waste, magkaroon ng task force on Chemical Accident Prevention and Preparedness (CAPP).
Dapat aniyang mabigyang-pansin ang imbakan ng mga laboratory chemical lalo pa’t posibleng magdulot ng pagsabog kapag nag-spill sa panahon ng lindol.
Ipinayo rin ni Dizon na siyasatin ng mga laboratoryo at pasilidad ang kanilang kahandaan para sa chemical-related accidents.