Pacman makabubuting magretiro na — PNoy
hataw tabloid
April 29, 2015
News
MAS makabubuting magretiro na si People’s Champ at Rep. Manny Pacquiao makaraan makipagbakbakan kay Floyd Mayweather sa Mayo 3, ayon kay Pangulong Benigno Aquino III.
Sinabi kahapon ng Pangulo, nakatitiyak siyang maipagmamalaki ng mga Filipino si Pacquiao sa magiging resulta ng mega fight nila ni Mayweather.
Marami na aniyang karangalang naiakyat si Pacquiao para sa bansa at sapat na ang pagsasakripisyo ng Pambansang Kamao para sa Filipinas.
Naniniwala ang Pangulong Aquino na panahon na para ma-enjoy naman ni Pacman ang kanyang pagreretiro at pamilya imbes na engganyohin pa siyang lumabang muli sa ring.
Matatandaan, maging si Mommy Dionisia ay gusto na ring magretiro ang kanyang anak sa pagbo-boxing dahil sapat na ang mga naging laban na napagtagumpayan ng boksingero.
Rose Novenario
Pacquiao-Mayweather fight sa Munti libre
SA nalalapit na “The Fight of The Century,” libo-libong mga residente ng Muntinlupa City ang hindi na kailangang gumastos sa pay-per-view para mapanood ang Pacquiao-Mayweather bout dahil ang pamahalaang lokal ay nag set-up ng lokasyon na walang bayad sa live telecast ng boxing match sa Mayo 3.
Ayon kay Mayor Jaime Fresnedi, ang pamahalaang lungsod ay magkakaloob ng free viewing sa laban na walang commercial breaks sa 10 iba’t ibang lokasyon sa naturang lungsod.
Ang Pacquiao-Mayweather fight ay mapapanood sa Muntinlupa Sports Complex, Bayanan Baywalk, Cupang Elementary School, Sucat Elementary School, Southville Elementary School, Soldier’s Hill Subd., Covered Court, Alabang Elementary School, Buli Covered Court, Filinvest Socialized Housing Covered Court, at Covered Court sa Basilan St., Maguindanao Ave., Ayala Alabang.
Sinabi ng alkalde na nais niyang magkaloob ng free viewing sa laban upang masuportahan si Manny “Pacman” Pacquiao, at idinagdag na lalahok ang Muntinlupa sa pagdarasal para sa ligtas na laban ng boksingero.
Habang ipinabatid ni Deputy Administrator Roger John Smith na walang ticketing system at ito’y first come, first served basis.
Bubuksan ang mga gate sa venues nang mas maaga sa 6 a.m. para sa manonood ng laban ni Pacquiao at undercard matches.
Tatangkain ni Pacquiao na ma-knockout ang world’s no. 1 pound-for-pound boxer Floyd Mayweather Jr. sa gaganaping laban sa MGM Grand, Las Vegas, USA.
Manny Alcala