IPINASIBAK na ni Justice Secretary Leila De Lima ang hepe ng Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro.
Ito’y makaraan mahuli ang inmate nitong si Ruben Tiu na nagbebenta ng shabu sa labas mismo ng piitan.
Kinompirma ni De Lima na ipinag-utos na niyang sibakin sa puwesto si Supt. Resurreccion Puno na daraan sa administrative investigation.
Dagdag ng kalihim, nagtungo na sa Sablayan ang isang team ng Bureau of Corrections (BuCor) para imbestigahan ang insidente.
Bukod aniya sa guwardyang nahuling kasama si Tiu, target din matukoy ang iba pang sangkot sa insidente at hindi rin ligtas sa pagsisiyasat ang jail warden.
Kasalukuyang nakapiit si Tiu sa National Bureau of Investigation (NBI).
Droga sa Sablayan ‘di galing sa Bilibid — De Lima
PARA kay Justice Secretary Leila De Lima, malabong sa New Bilibid Prisons (NBP) nagmula ang drogang nakompiska mula sa convicted drug lord na si Ruben Tiu.
Si Tiu ang nahuling nagbebenta ng shabu sa labas mismo ng Sablayan Prison and Penal Farm sa Mindoro Occidental kung saan siya nakapiit.
Una nang ibinunyag ni Tiu na sa NBP nanggaling ang droga at dinala lamang sa penal colony. Ngunit sa report ng PNP, lumitaw na may ginagawang shabu sa loob mismo ng Sablayan Prisons at isa si Tiu sa mga may hawak nito.
Sinabi ni De Lima, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ngunit malabo aniya ang isiniwalat ni Tiu.
“Kahit ipinahanap ko na po ‘yan in the series of operations beginning in December 15, never pong na-validate ‘yung bali-balitang may pagawaan din ng shabu sa loob ng Bilibid. According to our investigators, halos hindi raw po possible ‘yun. We really looked,” giit ng kalihim.
Layon din ng imbestigasyon ng DoJ na matukoy ang mga awtoridad na sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga sa loob ng mga piitan.