PNoy personal na naglinaw (Sa collapse issue)
hataw tabloid
March 23, 2015
News
PERSONAL na pinabulaanan ni Pangulong Benigno Aquino III ang kumalat na ulat na nahimatay siya nitong Biyernes ng gabi.
Makaraan kanselahin ang nakatakdang pagbisita sa New Executive Building (NEB) nitong Sabado ng hapon kung saan naroon ang Press Working Area (PWA) ay napabalitang ilang mamamahayag ang nakaharap ni Pangulong Aquino sa dinner sa isang restaurant sa Quezon City kasama ang ilang kaibigan ng gabing iyon.
Ngunit walang ideya ang Communications Group ng Palasyo kung sino ang mga taga-media na nakausap ng Pangulo para pasinungalingan ang report na bigla siyang nag-collapse at nawalan ng malay sa loob ng ilang minuto.
“Hindi ko sure, wala rin kasi kami doon sa dinner. Will check,” tugon ni Jo Paulo Espiritu, director ng Media Accreditation and Relations Division na nasa ilalim ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Dakong 12:21 p.m. nitong Sabado ay inabisohan ni Espiritu ang mga miyembro ng Malacañang Press Corps na bibisita ang Pangulo sa NEB ng 1:30 p.m. hanggang 2 p.m. ngunit dakong 12:41 p.m. ay nagpasya raw ang Pangulo na kanselahin ito.
Batay sa ulat, labis raw na ikinagulat ng Pangulo nang i-text siya ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda nitong Biyernes ng dis-oras ng gabi at usisain kung totoo ang kumakalat na nawalan siya ng malay tao.
“And to be honest with you I even tried to think of any basis whatsoever unfortunately, wala. So sabi nga ng nanay ko noong araw ipagdarasal na lang natin mga taong gano’n mag-isip,” sabi umano ng Pangulo.
Itinuro pa aniya ng Pangulo ang kanyang ulo para ipakita na wala siyang bukol o pasa para patunayan na hindi siya nahimatay.
“I have communicated with the President regarding the rumors circulating tonight that he collapsed, and he immediately responded to my text with – ‘No such thing.’ We hope this settles the issue tonight and we ask media to disseminate the information accurately,” pahayag sa media ni Lacierda nitong Sabado ng 1:31 a.m.
Ayon sa unconfirmed report nitong Biyernes ng gabi, inihit ng ubo si Pangulong Aquino hanggang nahimatay sa Bahay Pangarap.
Rose Novenario