BOI Report ipinababago ni PNoy?
hataw tabloid
March 20, 2015
News
ITINANGGI ng Palasyo na diniktahan ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang PNP Board of Inquiry (BOI) na baguhin ang resulta ng imbestigasyon ukol sa enkwentro sa Mamasapano na ikinamatay ng 44 pulis.
Inihayag ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, walang batayan ang nasabing paratang na umugong makaraan ipatawag ng Pangulo ang BOI sa palasyo nitong Martes.
Idiniin ni Coloma, sinabi mismo ni PNP-CIDG chief at BOI head Director Benjamin na naging maayos at mahinahon ang kanilang pakikipag-usap kay Aquino. Pinal na rin aniya ang BOI report at wala nang maaaring makapagpabago nito.
Kaugnay nito, ipinauubaya na ng Palasyo kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas ang pagpapaliwanag kung bakit hindi naipaabot sa Pangulo ang hiling ng BOI na makunan ang punong ehekutibo ng pahayag para sa kanilang imbestigasyon.
Magugunitang kabilang sa mga hinimay ng BOI report ang ‘chain of command’ na umiral sa Oplan of Exodus, pakikibahagi sa misyon ni dating PNP chief Alan Purisima na noo’y suspendido, at ang partisipasyon ng Amerika sa operasyon.
‘Sorry’ ni PNoy ‘di sapat — Marcos
HINDI sapat ang “sorry” ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III kaugnay sa kanyang responsibilidad sa operasyon ng PNP-Special Action Force (SAF) na ikinamatay ng 44 commandos noong Enero 25.
Sinabi ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, chairman ng Senate committee on local government, dapat ding ipaliwanag ng pangulo mismo kung bakit na-bypass niya ang ‘chain of command’ at direkta niyang kinukunsulta ang suspendido noon na si dating PNP chief, Director General Alan Purisima, at si dating SAF chief, Director Getulio Napeñas Jr.
Naniniwala si Marcos na dapat noon pa ay nagpaliwanag na nang ganito ang Presidente.
Muli rin niyang pinuna ang naging pahayag noon ni Pangulong Aquino na hindi sinabi ang kanyang mga nalalaman lalo na sa naging papel ni Purisima.
Mahalaga aniya sa isyu ng Mamasapano incident na magkaroon ng “closure” para makapag-move on na nang maayos ang mga kaanak ng mga namatay na SAF troopers.
Kamakalawa, kinukwestyon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos kung bakit napakahirap para kay Pangulong Aquino na akuin ang responsibilidad at mag-sorry sa kinahinatnan ng SAF troopers.
Niño Aclan