Mamasapano report naisumite na ng BOI sa PNP
hataw tabloid
March 13, 2015
News
MAKARAAN ang ilang linggong imbestigasyon at ilang araw na pagkabinbin bago makompleto, naisumite na kahapon ng Board of Inquiry (BOI) ang kanilang ulat kaugnay sa Mamasapano incident, sa liderato ng Philippine National Police (PNP).
Kompiyansa umano ang chairman nito na nakuha ng panel ang buong katotohanan kaugnay sa ‘misencounter’ na nagresulta sa pagkamatay ng higit sa 60 katao nitong Enero.
Sinabi ni Director Benjamin Magalong, hepe ng PNP Criminal Investigation and Detection Group, at chairman ng BOI, ang komite ay hindi naimpluwensiyahan ni Pangulong Benigno Aquino III kaugnay sa paninisi kay dating Special Action Force chief, Director Getulio Napenas Jr., kaugnay sa bakbakan ng mga commando sa mga tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
“Walang pressure. Hindi namin ‘yon pinansin,” pahayag ni Magalong sa mga mamamahayag habang isinusumite ng panel ang kanilang report kay PNP OIC Deputy Director General Leonardo Espina.
Dagdag ni Magalong, ngayon ay maaari nang tumingin ang investigation panel nang diretso sa mga mata ng naulilang pamilya ng SAF 44.
“We are confident that we were able to seek out the truth,” ayon kay Magalong.
BOI report ‘di na titingnan ni PNoy
ILANG araw makaraan tiyakin na bubusisiin pa ni Pangulong Benigno Aquino III ang Board of Inquiry (BOI) report sa Mamasapano operations bago isapubliko, nagbago ang tono ng Palasyo kahapon at inihayag na hindi na kailangan pang makita ito ng Punong Ehekutibo.
“Hindi po kailangang matanggap o makita ng Pangulo bago mai-release dahil ito naman ay ulat na patungkol sa Philippine National Police (PNP),” sabi ni Communications Secretary Herminio Coloma hinggil sa BOI report.
Iginiit ni Coloma na ang BOI report ay isusumite kay PNP officer-in-charge Deputy Director general Leonardo Espina at kay Interior Secretary Mar Roxas at dahil ito’y isang public document kaya’t asahan na ang pagsasapubliko nito.
Ang pahayag ni Coloma ay taliwas sa sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte nitong Sabado na nais ng Pangulo na pasadahan muna ang mga nakapaloob sa BOI report hanggang annexes para may masabi siya kapag tinanong ng media.
Sabi ni Valte, may kapangyarihan si Pangulong Aquino na iabsuwelto o idiin ang isang opisyal na sangkot sa Mamasapano operation kaya’t maaaring iparepaso pa niya ito sa kanyang legal team.
Matatandaan, umani ng batikos ang mga inilahad ng Pangulo sa prayer gathering nitong Lunes sa Palasyo na paghuhugas-kamay, hindi pagbanggit sa naging papel ni resigned PNP chief Alan Purisima at paninisi nang todo kay dating Special Action Force (SAF) chief Director Getulio Napenas sa madugong operasyon na ikinamatay ng 67 katao, kasama ang 44 SAF commandos.
Rose Novenario