Oplan Lambat-Sibat dadalhin na sa ibang rehiyon – Roxas
hataw tabloid
March 11, 2015
News
INIUTOS ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas sa pulisya na kaagad ipatupad ang OPLAN Lambat-Sibat sa tatlong pinakamalalaking mga rehiyon sa Luzon hanggang Hunyo ngayong taon.
Sa isang command conference kasama ang Philippine National Police (PNP), nilinaw ni Roxas ang kanyang mandato na ituro na sa hanay ng pulisya sa Rehiyon 3, 4, at sa mga natitirang pulisya sa Kamaynilaan ang OPLAN Lambat-Sibat, upang kanila itong maipatupad.
“Hindi natin hahayaang mangapa ang ating tropa. Marami na tayong natutuhan mula noong Hunyo 16, at kung ano man ang mga natutuhan natin sa huling walo’t kalahating buwan ay puwede nang ibahagi sa ating mga kasamahan,” ani Roxas
Inatasan ng kalihim ang Police Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) Office at ang Directorate for Operations (DO) Office na pangunahan ang pagbuo ng isang Instruction Manual na naglalaman ng mga pinakaepektibong hakbang ng PNP laban sa krimen nitong nakalipas na 37 linggo.
Ayon kay Roxas, ang mga instruction manual ang gagamitin upang mas madaling maituro ang OPLAN Lambat-Sibat sa iba pang mga miyembro ng PNP sa mga lalawigan.
Napanatiling mababa ang bilang ng krimen sa Kamaynilaan sa pamamagitan ng mga deliberate, programmatic at sustained na mga operasyon at mga taktika ng OPLAN Lambat-Sibat.
Ipinakita rin ng datos mula sa PNP na madalang ang insidente ng pandurukot, pagnanakaw, carnapping at motorcycle napping sa NCR, kaya naman nagkaroon na sila ng pagkakataong tutukan ang bilang ng mga insidente ng pagpatay.
Bumaba sa 25 ang bilang ng mga kaso ng pagpatay pagdating ng Enero ngayong taon, kompara sa 37 noong Pebrero hanggang Marso ng nakaraang taon.