BOI report rerepasohin muna ni PNoy bago ilabas
hataw tabloid
March 8, 2015
News
INIHAYAG ng Malacañang na babasahin muna ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang buong Board of Inquiry (BOI) report bago isasapubliko ang nilalaman.
Ngunit sa ngayon ay nasa tanggapan pa lamang ni Interior Sec. Mar Roxas makaraan makompleto ng BOI ang imbestigasyon sa Mamamasapano encounter.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, nais ni Pangulong Aquino na pasadahan muna ang mga nakapaloob na dokumento, rekomendasyon hanggang annexes para may masabi kapag tinanong ng media.
Ayon kay Valte, bilang Pangulo, may kapangyarihan si Aquino iabsuwelto o idiin ang isang opisyal na sangkot sa Mamasapano operation.
Posible rin aniyang ipa-review rin ni Pangulong Aquino sa kanyang legal team.
Unity March para sa Fallen 44 ‘di pinigilan ng Palasyo
ITINANGGI ng Malacañang na may kinalaman sila sa pag-discourage sa nakatakdang Unity March ngayong araw ng Linggo para sa namatay na 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, inirerespeto ng Malacañang ang ano mang mapayapang demonstrasyon na aniya’y bilang bahagi ng ating demokrasya.
Ngayong araw isasagawa ang Sympathy March na pamumunuan ng PNP Academy Alumni Association Inc., mula sa Gate 1 ng Kampo Crame at magtatapos sa Quezon City Circle dakong 6 a.m.
Sinabi ni Chief Supt. Harris Fama, isa sa mga director ng PNPA Alumni Association Inc., at kasalukuyang Regional Director ng PNP Region 5, ang Sympathy March ay may malinis na hangarin taliwas sa mga lumalabas na mga haka-haka na agamitin lamang sa negatibong layunin.
Bagama’t hindi requirement ay inimbitahan nila ang mga naiwang pamilya ng SAF 44 at inaasahan na may mga sasama sa aktibidad ngayong araw.