APRUB kay Pangulong Benigno Aquino III ang mga “bahay kubo” na pabahay para sa mga residente ng Guian, Eastern Samar na sinalanta ng super typhoon Yolanda.
Makaraan inspeksiyonin kahapon ang Brgy. Cogon Resettlement Area sa Guian, sinabi ng Pangulo na kuntento siya sa transitional houses at nakita niya sa konstruksyon ng mga pansamantalang mga tahanan ang prinsipyo ng “build back better.”
Sinabi ng Pangulo na kabilang sa nakahanay na mga proyekto para sa mga lugar na sinalanta ng Yolanda ang 27-kilometer Tacloban-Palo-Tanauan Road Dike na magbibigay proteksyon laban sa mga malalakas na bagyo sa hinaharap.
Inihayag din niya na may nakita na silang bagong lokasyon para sa Tacloban Airport na mas ligtas kaysa kasalukuyan nitong kinatitirikan.
Ininspeksyon din ng Punong Ehekutibo ang Guian Public Market at Guian East Central School.
Rose Novenario