NAKAHANDA na ang lifestyle check na isasagawa sa hanay ng Philippine National Police (PNP) sa gitna ng kontrobersiyang kinasasangkutan ng liderato nito.
Matatandaan, unang umusbong ang opsyong lifestyle check ng Department of Interior and Local Government (DILG) dahil sa mga kaso ng hulidap na kinasasangkutan ng mga pulis. Ani Secretary Mar Roxas, bahagi ito ng mas maigting na paglilinis sa hanay ng PNP.
Ngunit dahil sa kinukwestyong yaman, partikular pang hinamon ng ilang grupo na magpa-lifestyle check si PNP Director General Alan Purisima, na hindi hinarang ng DILG.
Kaugnay nito, kinompirma ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares na tutulong sila sa lifestyle check. Magiging lead agencies aniya sa pagsilip sa posibleng paglabag sa anti-graft and corruption code ng mga pulis ang DILG, PNP at National Police Commission (NAPOLCOM).
Sabi ni Henares, nirerepaso na nila ang memorandum of agreement at implementing rules and regulations kaugnay nito.