TATLONG police generals ang pagpipilian na posibleng pumalit sa pwesto ni PNP Chief Police Director General Alan Purisima sakaling mag-file siya ng leave of absence upang bigyang-daan ang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa mga isyung ipinupukol laban sa kanya.
Ayon sa report, posibleng sina Deputy Director General Felipe Rojas, PDDG Leonardo Espina at PDDG Marcelo Garbo ang pwedeng pumalit kay Pursima bilang acting chief PNP.
Si Rojas, kasalukuyang Deputy Director for Administration at No.2 man sa PNP ay nakatakdang magretiro sa serbisyo sa Disyembre ng kasalukuyang taon.
Habang si Espina, ang Deputy Director for Operations ay magreretiro sa serbisyo sa Marso 2015.
Dahil wala nang isang taon ang itatagal nina Rojas at Espina sa police service, malabong sila ang mai-appoint na chief PNP sakaling maagang magretiro sa serbisyo si Purisima.
Si Garbo, hepe ng Directorial Staff, nakatakdang magretiro sa Marso 2016 ay pwede pang maging chief PNP ngunit depende pa ito kung itatalaga siya ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Samantala, bukod sa tatlong heneral, matunog din ang pangalan ng PRO-3 regional director sa Central Luzon na si C/Supt. Raul Petrasanta bilang kapalit ni Purisima.
Sa kabilang dako, tumangging magbigay ng komento si PNP PIO, C/Supt. Reuben Theodore Sindac hinggil sa nasabing usapin.
Sinabi ng heneral, mas mabuting hintayin na lamang ang pagbabalik bansa ni Purisima dahil siya lamang ang tanging makasasagot sa lahat ng mga isyung ipinupukol laban sa chief PNP.
HATAW News Team