LEGAZPI CITY – Sa kabila ng peligrong dala ng pinangangambahang pagsabog ng Mayon sa Albay, mistulang “blessing in disguise” ito dahil patuloy ang pagdami ng mga dumarayong turista na nais makasaksi sa nag-aalborotong bulkan.
Dahil dito, malaki ang pag-asa na madaragdagan ang kita ng mga negosyante sa lalawigan, maging sa lokal na pamahalaan.
Bukod sa mga dayuhan, maging ang local tourists ay dumarayo para kunan ng larawan at video ang aktibidad ng bulkan.
Gayon man, mahigpit ang restriksiyon sa pagpasok sa 6 kilometer permanent danger zone sa paanan ng bulkan para sa seguridad ng publiko.
Una nang nagtalaga ang pamahalaang panlalawigan ng mga viewing areas na maaari lamang puntahan ng mga turista gaya ng Lignon Hill Nature Park na kitang-kita ang Mayon, Cagsawa Ruins Park, Daraga Church, Legazpi City Boulevard, Taysan Hills at Quituinan Hills.
Ipinagbabawal rin ang mga nakahihiligang gawain bilang parte ng pagbisita sa lalawigan tulad ng ATV ride patungong Mayon, paglalaro ng golf sa Doña Pepita Golf Course, maging ang pagtungo sa Mayon Rest House na isa rin sa mga binibisita, at iba pang aktibidad na sakop ng 6 kilometer permanent danger zone at 6-8 kilometer extended danger zone.
Kaugnay nito, nakatutok ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa bulkang Mayon dahil sa binabantayang pagsabog nito na inaasahang maganap ano man oras sa mga susunod na araw o sa susunod na linggo.
Sinasabing lalong tumindi ang pangamba sa malakas na pagsabog dahil na rin sa pansamantalang pananahimik ng bulkan na iniuugnay sa mga naganap na pagputok nito noong 1984 at 2009.
Samantala, inihayag ng Phivolcs, lalo pang lumaki ang lava dome na naiipon sa bunganga ng Bulkan Mayon, mula sa dating volume na 560,000 noong Lunes, lumaki sa 855,000 cubic meters ang lava dome na nakadikit sa bunganga ng bulkan.
Itinutulak ng magma na nasa ilalim nito ang lava dome, nangangahulugan, umaakyat na ang isa pang batch ng magma na unang na-monitor sa ilalim ng bulkan.
Mula sa anim na araw na pananahimik, muling nakapagtala ang bulkan ng volcanic earthquake, walo rito ay may kinalaman sa pag-akyat ng magma sa crater.
(Beth Julian)