NAGBITIW na sa pwesto kahapon si National Food Authority (NFA) Administrator Arthur Juan makaraan ireklamo nang pangingikil ng P15 milyon ng tinaguriang rice cartel king na si Jomerito “Jojo” Soliman.
Kinompirma ni food security czar Francis Pangilinan ang pagbibitiw ni Juan bunsod ng isyung pangkalusugan makaraan ang tatlong buwan panunungkulan bilang NFA chief.
“It is with regret and sadness that we received yesterday afternoon the irrevocable resignation of Mr. Art Juan. He cited failing health as the reason for his stepping down. I continue to believe he is innocent of the charges brought against him,” ani Pangilinan.
Matatandaan, nagsampa ng kasong extortion si Soliman laban kay Juan at NFA Assistant Administrator Patricia Galang sa National Bureau Investigation (NBI) bunsod ng sinasabing paghingi ng P15 milyon sa kanya kapalit nang muling pagbubukas ng kanyang warehouse na ipinasara ng NFA.
Nang salakayin ng NFA at pulisya ang Purefeeds warehouse na pagmamay-ari ni Soliman sa Bulacan, natuklasan na may halong animal feeds ang mga bigas na kanyang ibinibenta.
(ROSE NOVENARIO)