“PRUWEBA ang mga naarestong jueteng personnel na ginagamit lang ang larong Bingo Milyonaryo bilang prente ng ilegal na sugal sa lalawigan ng Rizal,” pahayag kahapon ng isang tauhan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sinabi ng nasabing opisyal, na ayaw magpabanggit ng pangalan, obyus umanong pinoprotektahan ng lokal na pulisya ang ilegal na operasyon ng Bingo Milyonaryo “dahil may linggohan ang intelihensiyang ipinararating sa pamunuan ng lokal na pulisya.”
Nitong Huwebes, Setyembre 11 (2014), sinorpresa ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang betting station ng Bingo Milyonaryo sa bayan ng Rodriguez, lalawigan ng Rizal, at naaresto nila ang 19 empleyadong nagsasalansan ng mga taya para sa bolahan ng jueteng.
“Malinaw na hindi para sa Bingo Milyonaryo ang ginagawa ng mga nalambat na ilegalista sapagkat mga paraphernalia ng jueteng, tulad ng papelitos ng taya at bolilyo para sa bolahan, ang nadatnan ng mga kagawad ng NBI,” pahayag naman ng isang taga-piskalya matapos ma-inquest ang mga akusado, na hanggang ngayon ay nakakulong pa habang inaasikaso ang kanilang mga piyansa.
Ang pagsuyod sa mga ilegal na operasyon ng Bingo Milyonaryo na ginagamit lang na prente ng jueteng sa lalawigan ng Rizal ay naunang isinagawa sa bayan ng Taytay na sinasabing isang mataas na opisyal ng munisipyo ang nasa likod ng nasabing raket.
“Habang hindi kumikilos ang lokal na pulisya laban sa lumalalang jueteng at iba pang ilegal na sugal sa nasabing probinsiya ay lalong lumalakas ang loob ng mga ilegalista na gamiting front ang Bingo Milyonaryo sa kanilang bawal na gawain,” dagdag na pahayag ng tauhan ng PCSO.
Ayon sa kanya, iniimbestigahan na umano ng kanilang ahensiya ang maraming ulat na sa kabila ng kanilang paghihigpit sa mga panuntunan ng larong Bingo Milyonaryo ay gumagawa pa rin ang ilang humahawak ng prangkisa nito ng lihis sa itinatadhana ng permiso, tulad ng hindi pagdeklara ng tamang revenue at ang paggamit nito bilang front ng jueteng.
Idinagdag niya na sa darating na Disyembre 2014, “hindi na pahihintulutang magpatuloy pa ang Bingo Milyonaryo matapos ang isang taon na experimental draws ng nasabing laro.” (HNT)