TINIYAK ng Department of Education na makatutulong ang programang K to 12 education system sa mga mag-aaral upang magkaroon ng rehiyonal at pandaigdigang kamalayan, ayon sa isang opisyal ng DepEd.
Sa isang pulong sa University of the Philippines noong nakaraang Biyernes, inihayag ni Cristina Chioco, education program specialist ng Bureau of Secondary Education ng DepEd, sa ilalim ng programang K to 12, makapagtatapos ang mga mag-aaral na mayroong malawak na kaalaman, hindi lamang sa kalakaran at kultura ng ating bansa kundi pati na rin sa Asya at sa buong daigdig.
”Pagdating ng Grade 10, target natin ang pagkakaroon ng “global awareness” at magkaroon ng cultural literacy ang mga bata, kaya nag-start tayo sa regions, national, Asian, and world,” aniya.
Paliwanag niya, pag-aaralan ang mga rehiyonal na leksyon sa Grade 7, pambansa sa Grade 8, Asian sa Grade 9, at pandaigdigan na sa Grade 10.
Ayon sa kanya, gagamitin ang literatura sa pagpapakilala sa kultura ng bayan at sa ibang bansa.
Karamihan sa mga gagamiting libro ay maa-aring isalin sa wikang kinagisnan ng mga mag-aaral, aniya.
Dagdag niya, sa pag-aaral ng regional literature, mabibigyang-pansin ang mga akdang hindi pa nailalathala, ngunit naging makabuluhan para sa isang bayan o probinsya.
”Ang sinasabi naming regional literature, ito ang mga akdang epiko, alamat, mga pabula na walang may-akda … hindi nailat-hala. ‘Yung mga kino-consider naming mga national literature, ito ang mga literature na lumaganap, nakilala ng mga panahon ng katutubo hanggang sa Commonwealth government. Iyon ang nakita namin na pagkakaiba,” paliwanag ni Chiolo.
(ROWENA DELLOMAS-HUGO)