NASA 641 Filipino illegal immigrants na nakatira sa Sabah ang ipina-deport pabalik ng Filipinas ng Malaysian government nitong Biyernes.
Sa report na ipinalabas ng Malaysian news site, ang nasabing Filipino deportees ay nakasakay sa isang passenger ferry patungong Zamboanga City sa Mindanao.
Ayon sa Malaysia Star Online, binubuo ang Filipino deportees ng 293 lalaki, 188 babae at 160 ay mga bata.
Napag-alaman, ito ang pinakamalaking bilang ng deportasyong isinagawa ng Malaysian government.
Sakay ang deportees ng 22 bus patungo sa Temporary Detention Center sa Sibuga bago sila isinakay sa barko.
Samantala, batay sa ipinalabas na datos ni Sabah/Labuan Special Task Force Director Rodzi Md Saad, mayroon pang 3,558 illegal immigrants ang kasalukuyang nananatili sa detention centers sa Papar, Sandakan at Tawau.
Sinabi ni Rodzi, sa ilalim ng Special Task Force, nasa kabuuang 12,100 illegal immigrants na ang kanilang na-ideport simula noong Enero hanggang Agosto 15 ng kasalukuyang taon.
Kabilang sa mga ipina-deport ang 9,368 Filipinos at 2,569 Indonesians.
Dagdag pa ng nasabing opisyal, nasa 4,000 pa ang kanilang ide-deport bago matapos ang taon 2014.