TAHASANG inihayag ni Vice President Jejomar Binay na handa siyang labanan si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino sa 2016 presidential elections.
Ito’y kung sakaling matuloy ang Charter Change (Cha-Cha) para maalis ang term limit ng pangulo at maghangad si Pangulong Aquino ng re-election.
Ayon kay Binay, 2010 pa siya nagsabing tatakbong presidente at walang makapagpapabago sa kanyang desisyon.
Aniya, matagal na niyang pinangarap, pinaghandaan at kompiyansa sa kanyang kakayahang maging Pangulo ng bansa.
“Opo. Inuulit ko lang ang aking sinabi, 2010 pa sabi ko naman sa inyo kayong mga media tanong nang tanong, sabi ko, ‘Opo, bata pa ako pinangarap ko na.’ Naghanda naman po ako rito, nakapag-aral naman ako. Pangalawa, ako naman ay dalawampu’t isang taong mayor. Kaya dadalhin ko sa pwesto ng pagkapangulo ang aking kahinatnan at kakayahan,” ani Binay.
Kasabay nito, inulit ni Binay ang kanyang paalala kay Pangulong Aquino na huwag magpapadala sa bulong ng mga taong may pansariling interes at baka magkaproblema sa kinabukasan.
Umaasa raw si Binay na ang ikinakasang pag-amyenda sa Saligang Batas ay hindi magpapalala sa hidwaan ng Executive Department at Korte Suprema. (HNT)