HANDANG makipagtulungan ang Comelec sa isasagawang imbestigasyon ng senado kaugnay sa kontrobersiya sa performance ng precinct count optical scan (PCOS) machine.
Ayon kay Director James Jimenez, tagapagsalita ng Comelec, palagi silang bukas sa kahit anong inquiry na gagawin ng Senado dahil naiintindihan nila na trabaho ng legislators na siguraduhing angkop ang gagamitin para sa taong bayan.
Dagdag ng abogado, ibibigay nila ang kanilang kooperasyon sa Senado upang mabigyan-linaw ang sinasabing mali sa PCOS.
Sinabi ni Jimenez, sigurado sila na kapani-paniwala ang resulta ng PCOS at may basehan din sila tulad ng post-election receipt at lumabas sa analysis na generally accurate ang kanilang mga machines.
Sa ngayon, wala pang formal communication na natatanggap ang Comelec mula sa Senado kaugnay sa imbestigasyon.
Aniya, ang nasabing usapin ay narinig lamang nila sa mga lumalabas na mga balita.