DATING tauhan ni presidential uncle Eduardo “Danding” Cojuangco, at isang Philippine Military Academy (PMA) graduate ang itinalaga ni Pangulong Benigno Aquino III bilang bagong pinuno ng National Food Authority (NFA).
Si Arthur Juan, graduate ng PMA Class ’68, at dating pangulo ng San Miguel Foods Inc., ni Cojuangco, ay hinirang na kapalit ni Orlan Calayag na nagbitiw bilang NFA administrator noong nakalipas na buwan.
Itinalaga rin ng Pangulo si Romulo Arancon, Jr., bilang administrator at chief executive officer ng Philippine Coconut Authority (PCA), kapalit nang nagbitiw na si Euclides Forbes.
Sina Calayag at Forbes ay parehong nagbitiw sa pwesto makaraan maitalaga si dating Sen. Francis Pangilinan bilang Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization.
Alinsunod sa Executive Order 165 na nilagdaan ng Pangulo noong nakaraang Mayo 5, isinailalaim sa kapangyarihan ni Pangilinan ang NFA, PCA, National Irrigation Administration (NIA) at ang Fertilizer and Pesticide Authority (FPA).
Inihayag din kahapon ng Palasyo ang pagkatalaga nina Donna Gordove, Arthur Salazar, at Nonito Tamayo bilang Director III at Leo Van Juguan bilang Director II sa Department of Environment and Natural Resources.
Gayon din sina Ramon Osorio (kinatawan ng broadcast media sector) at Luis Gatmaitan (kinatawan ng Child Development Specialist Sector), bilang mga miyembro ng National Council for Children’s Television sa ilalim ng Department of Education.
Habang si Emerta Garon bilang bagong board member ng Early Childhood Care and Development Council, na kinatawan ng private sector.
ni ROSE NOVENARIO