ni Ed de Leon
SABI nila, mukha raw talagang mabigat dalhin sa isang serye si Aljur Abrenica, dahil halos lahat ng seryeng ginawa niyon, hindi lumabas na maganda ang ratings. May nagsasabi pa, ang tumatakbo niyang serye ay maganda naman, at siguro nga raw mas nagtagal iyon kung ang ginawa na lang bida ay si Mike Tan, na lumabas na suporta lamang sa nasabing serye.
Marami ang lumalabas at nagsasabing hindi sila bilib sa pag-arte ni Aljur hanggang ngayon, ang sinasabi nila ay “maganda lang ang katawan niya”.
Una, mukhang unfair naman sa isang artista iyong sabihin mong malas siya. Wala namang taong malas talaga. Iyong malas dumarating iyon depende sa sitwasyon, pero rito sa showbusiness mukhang masyado ngang mapamahiin ang mga tao at naniniwala sila sa malas. Minsan kawawa rin iyong mga artistang nasasabihan ng malas, nawawalan tuloy ng assignment.
Iyang si Aljur sa palagay namin, hindi naman malas pero nagkaroon ng mga maling diskarte sa kanyang career noong araw. Noon kasi kung ano-ano ang ipinagawa sa kanya na wala naman sa ayos. Nagsimula iyan nang ipagawa sa kanya ang remake ng pelikula noon nina Cesar Montano at Gardo Versoza. Eh tatalunin ba nila ang gimmick niyong mga pelikulang iyon, eh maluwag ang MTRCB noon at nagawa nila ang lahat ng gimmick. Magagawa ba iyon sa telebisyon? Natural hindi, kaya nga parang nabantilawan si Aljur.
Kawawa naman iyong bata kung sasabihan nila ng malas. Maaapektuhan iyan talaga. Palagay namin dapat lang n a siguro nga magpahinga muna siya, pag-isipang mabuti kung ano ang maipapagawa sa kanya na makapagpapa-angat na muli ng kanyang career. May shows pa naman siyang natitira. Marami rin naman siguro ang kumukuha sa kanya sa mga tinatawag nilang regional shows, pabayaan na lang muna nilang ganoon. Tapos kung may magandang proyekto na talaga, at saka na lang siya isabak ulit.
TSISMIS NA BAKLA SI MARTIN, SA BLOG NAGSIMULA
IYANG mga tsismis na umano ay bakla si Martin del Rosario at nagsimula sa mga blog sa internet noon pa, kaya nga masasabing unfair din naman sa kanyang pinagmulang network, ang ABS-CBN kung sasabihing mukhang timing sa kanyang paglipat ang mga paninirang iyon sa kanya.
Tumindi lang naman iyan nang may isang blogger na naglabas ng isang picture ng isang lalaking may hawig kay Martin na nakikipaghalikan sa picture sa isa pang lalaki. Siguro ang mali nga lang ni Martin, bakit pa niya pinansin iyon? Bakit hindi pa niya inignore?
Matagal na iyang tsismis na iyan eh. Noong una inili-link siya sa isang male model. Dahil hindi niya pinatulan, sino ba ang nakaalam? Iilan lang naman ang may access sa mga blogs na iyan. Dito sa Pilipinas mababa pa rin ang bilang ng mga taong may internet. Iyon namang mga nasa internet cafe, games ang ginagawa niyon, hindi iyan nagbabasa ng tsismis sa blogs. Ang mahilig lang sa blogs, iyong mga taga-showbusiness din na nag-aabang ng kanilang pinalabas na press release.
Kung hindi papansinin iyang mga tsismis sa mga blog na iyan, wala namang makababasa. Kaso pinapatulan nila eh, lumalabas tuloy sa mga diyaryo at mas marami pa ang nakakabasa niyon.