NAGBAGO na ang pahayag ng kampo ni Janet Lim-Napoles kaugnay sa planong pagsasauli ng P2 bilyong halaga ng kayamanan mula sa kinita sa pork barrel fund scam.
Ayon kay Atty. Stephen David, tiningnan nila ang listahan ni Napoles at natuklasang P200 million hanggang P300 million lamang ang maisasauli ng kanyang kliyente.
Ito aniya ay kukunin lamang sa mga sa mga ari-arian na hindi nakasama sa freeze order ng korte.
Paliwanag ng abogado, ang naturang halaga ay naipautang ni Napoles sa ilang politiko na hindi na nila pinangalanan.
Habang nilinaw niyang hindi ginawang caretaker ng kayamanan ng pork barrel scam queen ang naturang mga kaibigan ng kanyang kliyente kundi naipautang ito bago pa man pumutok ang pork barrel case.
(HNT)
ABOGADO NI NAPOLES AT LUY NAGPULONG SA NBI?
IWAS-PUSOY ang Palasyo sa ulat na nagpulong mismo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga abogado ni pork barrel queen Janet Lim-Napoles at whistleblower Benhur Luy.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, wala siyang ideya kung ano ang motibo ng naturang pulong na naisapubliko dahil may kanya-kanyang diskarte ang mga abogado.
“I don’t know the motivation behind that e. But, obviously, it went public so I… Different lawyers tackle things differently. But I cannot speak for the lawyers of both camps,” ani Lacierda.
Bahala na aniya ang mga abogado nina Napoles at Luy kung paano sasagutin ang pagdududa ng publiko na niluluto na ang mga kaso kaugnay sa pork barrel scam
Giit pa ni Lacierda, wala siyang impormasyon kung may partisipasyon si Justice Secretary Leila de Lima sa nabanggit na pulong, kahit pa ginanap ito sa tanggapan ng NBI, na nasa ilalim ng Department of Justice (DOJ).
(ROSE NOVENARIO)
PALASYO UMIWAS SA ‘KICKBACK RETURN’ NI NAPOLES
DUMISTANSYA ang Malacañang sa sinasabing pag-aalok ni pork barrel scam queen Janet Lim-Napoles na magsauli ng P200 million na bahagi ng P2 billion kickbacks sa pork barrel anomaly.
Ginawa ni Communications Sec. Sonny Coloma ang pahayag makaraan ipaabot ng kampo ni Napoles ang kahandaang ibalik ang ninakaw na pondo kapalit ng immunity sa mga kaso.
Nauna rito, nabigyan ng immunity sa ano mang kaso si Ruby Tuason na nagsauli ng P40 million sa gobyerno at tumayong testigo laban sa mga senador na nakinabang sa paglustay ng pondo.
Ayon kay Coloma, tanging Ombudsman lamang ang may kapangyarihang magrekomenda ng usaping ito sa hukuman.
Inihayag ni Coloma na iginagalang ng Malacañang ang ano mang desisyon ng Ombudsman dahil sa pagiging independent constitutional body nito.