LUSOT na sa committee level ng Commission on Appointments (CA) si Department of Social Work and Development (DSWD) Secretary Dinky Soliman.
Sa ikatlong pagharap ni Soliman sa committee on labor, employment and social welfare ng CA, hindi na masyadong nahirapan si Soliman na kombinsihin ang mga kongresista at senador na miyembro ng komisyon.
Tila nagsawa na rin sila dahil makaraan ang dalawang ulit na na-deferred ang kompirmasyon ni Soliman ay inirere-appoint lang siya ni Pangulong Benigno Aquino III.
Sa mosyon ni Cong. Rodolfo Fariñas, walang tumutol kaya inirekomenda na ng komite ang kompirmasyon ni Soliman sa plenary deliberations ng CA.
Samantala, nabigo si Justice Secretary Leila De Lima na makuha ang kompirmasyon ng CA bunsod ng mga pagtutol sa pagiging kalihim ng Department of Justice.
Isinalang si De Lima sa CA committee on justice and judicial and bar council kahapon ngunit dahil sa mga pagtutol ay sinuspendi ang pagdinig at nakatakdang ituloy sa susunod na linggo.
Sa pagharap ni De Lima sa CA ay agad nakaharap ang ilang tumututol sa kanyang kompirmasyon kabilang na si Whistleblower Association of the Philippines President Sandra Cam.
Bukod kay Cam ay nakatikim din ng paggisa si De Lima mula sa akusado ng pork barrel scam na si Sen. Jinggoy Estrada. Tinanong ni Estrada si De Lima kaugnay sa impormasyong tumanggap siya ng P1 milyon allowance bawat buwan mula sa Pagcor noong siya ay chairperson pa lamang ng Commission on Human Rights (CHR) alinsunod sa kautusan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.Itinanggi ito ni De Lima sa pagsasabing hindi P1 milyon kundi nasa P500,000 lamang ang tinatanggap ng CHR bilang intelligence fund at hindi bawat buwan kundi quarterly.
(CYNTHIA MARTIN/NIÑO ACLAN)