DEDEPENDE ang tagumpay ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Estados Unidos at Filipinas sa implementasyon nito, ayon kay Senadora Grace Poe.
Sa Tapatan sa Aristocrat media forum, idiniin ng senadora ang halaga na hindi lumalabag ang EDCA sa ating mga batas sa ilalim ng Konstitusyon at maging sa ating soberenidad.
Habang sumasang-ayon na ang EDCA ay isa lamang short-term na soluyon sa sigalot, sinabi ni Poe na dapat alalahanin ng pamahalaan na “tayo lamang ang makasasagip sa ating sarili.”
“Kailangan magkaroon tayo ng kompiyansa sa ating posisyon sa usapin pero mayroon din diskresyon para makapagtatag ng long-term kung hindi man permanenteng solusyon,” punto niya.
Sa kabilang dako, nagpahayag naman si dating Senator Leticia Ramos-Shahani ng kahalintulad na pananaw para sabihing dapat balikan natin ang kasaysayan at tandaan na sa pandaigdigang ugnayan ay walang permanenteng kaibigan o kaaway.
“May downside kasi rito. Bakit hindi natin alalahanin ang kasong rape ni Smith na ang mismong bases agreement ang ginamit para makalaya ang nagkasalang US serviceman habang ang biktima naman ay binigyan na lang ng kompensasyon ng US government,“ paalala ni Shahani.
Bilang panghuling salita, sinabi ng dating senadora na “mas mainam pa rin ang pagkakaroon ng kaibigang kapitbahay kaysa malayong kamag-anak.”
(Tracy Cabrera)