ni Ed de Leon
SINABI ni Gretchen Barretto na ang kanyang kapatid na si Claudine ay nagkakaroon lamang ng hallucinations at hindi siya makikipagtalo sa isang may mental illness at drug dependent. Iyon ang inilabas niya sa kanyang social networking account matapos siyang akusahan ni Claudine sa dalawang magkasabay na television showbiz talk shows na isang sinungaling at walang puso.
Sinabi rin ni Claudine na siya ay tinawag ni Gretchen na laos, mataba, lechon at sinabi pang magpakamatay na lang siya na naririnig ng kanyang asawang si Raymart Santiago at ng dalawa niyang anak. Sinabi rin niyang mas ok pa naman siya kaysa kay Gretchen na ang mukha ay tadtad na ng saksak ng botox.
Pero masakit din ang ganting statement ni Gretchen na nagsabing hindi siya papatol sa isang may problema ang pag-iisip.
Matagal nang sinasabi ni Gretchen na ang totoo ay gusto lang nilang matulungan si Claudine na naapektuhan na ang isip dahil umano sa paggamit ng droga. Sinabi ni Gretchen na si Claudine ay nadala na sa basement ng ospital at nagpa-rehab na rin sa abroad pero hindi nakompleto ang rehab noon.
Sa kanyang statement, sinabi naman ni Claudine na ang lahat ay set up lamang ng mga kapatid niyang gusto siyang siraan. Pinuntahan daw siya sa bahay ng isang grupo ng walong lalaki at isang doctor na nalaman niyang isang pediatrician pala, na siyang nagdala sa kanya sa ospital. Sinabi ni Claudine na hindi sira ang kanyang ulo, kundi biktima lamang siya ng mental torture, at sinisisi nga niya ang kanyang mga kapatid at pati ang asawang si Raymart.
Samantala, pumalag din naman ang kampo ni Raymart sa sinasabi ni Claudine na pagbabanta sa kanyang buhay at sa buhay ng mga anak niya. May sinabi si Claudine na may nagpapaputok ng baril malapit sa kanyang bahay, na tinatanong naman ng kampo ni Raymart kung may security report ba tungkol doon sa mga security personnel ng subdivision, o may narinig din bang ganoon ang mga kapitbahay.
Sinabi rin nilang mali ang akusasyon ni Claudine na fake ang kanilang kasal sa Isabela, na ibig sabihin bale wala rin ang naging convalidation ng kanilang kasal na ginawa ng isang ministrong born again sa Tagaytay.