Kompiyansa ang Malakanyang na maibibigay sa mga biktima ng Martial Law ng rehimeng Marcos ang nararapat na kompensasyon bago matapos ang termino ni Pangulong Noynoy Aquino.
Inaasahan ng Human Rights Violations Victims Claims Board na aabot ng mahigit 20,000 biktima ng Martial Law ang maghahain ng claims simula ngayong Lunes, Mayo 12 na tatagal hanggang Nobyembre 10.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, umaasa silang magagawa ni dating Police General at ngayo’y Human Rights Violations Victims Claims Board Chairperson Lina Sarmiento ang kanyang mandato na maiproseso at maibigay ang kompensasyon at pagkilala sa mga biktima ng Martial Law hanggang Mayo 12, 2016.
Ani Valte, hindi dapat agad husgahan si Sarmiento sa halip, bigyan ito ng pagkakataong magampanan ang kanyang trabaho.
Alinsunod sa Republic Act 10368 o ang Martial Law Victims’ Reparation and Recognition Act of 2013, ipamimigay ang bahagi ng P10-bilyon na reparation fund sa mga biktima ng batas militar.