IDINEKLARA ang measles outbreak sa lalawigan ng Maguindanao kasunod nang dumaraming kaso ng tigdas, habang nagdeklara ng rabies outbreak ang limang lugar sa Negros Occidental makaraan masuring positibo ang mga aso sa rabies virus, at nang may mamatay na isang biktima bunsod ng nasabing impeksyon.
Ayon kay Autonomous Region in Muslim Mindanao Regional health secretary Kadil Sinolinding, pumalo sa 12 ang kaso ng tigdas sa nasabing probinsya sa loob lamang ng buwan ng Abril.
Ipinagpasalamat niya na walang naitalang namatay dahil sa nasabing viral infection.
Gayonman, nakababahala aniya ang ganitong paglobo ng kaso ng tigdas lalo’t inaasahan sana nilang measles free ngayong buwan.
Layunin ng deklarasyon ng outbreak na mapalakas pa ang public awareness at mapaglaanan nang sapat na gamot ang health centers at mga ospital.
Sa kabilang dako, sa kaso ng rabies na naiulat sa Negros Occidental, nabatid na nagmula sa Cadiz City ang namatay na biktima, habang apat na kaso ang naiulat sa Bacolod City, dalawa sa bayan ng Binalbagan, at isa sa bayan ng Pulupandan at isa sa San Carlos City.
Ngunit sinasabing walang sapat na kagamitan o pondo ang lalawigan upang bakunahan ang 219,000 aso sa probinsya. Sa ngayon, 24,000 aso pa lamang ang nabakunahan sa probinsya.
(BETH JULIAN)