NUEVA VIZCAYA – Hinagupit ng mga alkalde sa lalawigang ito ang lokal na pulisya dahil obyus umanong pinoprotektahan ang mga ilegalistang nag-oopereyt ng jueteng na ang prente ay ang Bingo Milyonaryo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Nanawagan din sila sa pamunuan ng Pambansang Pulisya na sibakin ang PNP regional director na si Gen. Mike Laurel at provincial director na si Col. Valfrie Tabian dahil sa umano’y kapabayaan na masugpo ang nagiging talamak na ilegal na sugal.
Ang panawagan ng mga meyor ng halos lahat ng bayan ay bilang suporta na rin sa ginawang reklamo ng kanilang gobernadora na si Ruth-Rana Padilla laban sa hindi mapigil ng pulisya na operasyon ng jueteng na ginagamit ang Bingo Milyonaryo ng PCSO bilang front nito.
Sa kanyang sulat sa hepe ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group na si Gen. Benjamin B. Magalong, hiniling ng gobernadora ang agarang pagsisiyasat at police action sa mga ilegalista na umano’y kinakaladkad ang magandang imahe ng PCSO at pinagkaitan pa ang naturang ahensiya ng nararapat na revenue share mula sa lehitimong benta ng Bingo Milyonaryo.
“The Office of the Governor is seeking the assistance of the CIDG to conduct operations in Nueva Vizcaya and take appropriate action to suppress illegal gambling within our jurisdiction,” hiling ni Gobernadora Padilla sa kanyang sulat kay Gen. Magalong na may petsang Marso 19, 2014.
Ang mga bayan na umano’y talamak ang tinawag ng mga alkalde na “bingoteng” ay Bagabag, Diadi, Bayombong, Dupax Norte at Aritao. Obyus umanong ilegal ang “bingoteng” sa nasabing mga lugar sapagkat nagkalat ang mga kobrador ng taya na ipinagbabawal sa lehitimong operasyon ng Bingo Milyonaryo.
“Kailangan umaksiyon ang liderato ng PNP sa Camp Crame hinggil sa pagyayabang ng financier ng “bingoteng” na si Alyas Gen. Divine na hindi kayang ipahinto ang ilegal na sugal ng aming gobernadora kasi dati lang umano niyang mga tauhan ang nakaupo sa lokal na pulisya,” pahayag ng mga nagsusumbong na alkalde.
Anila, isa nilang kasamahan ang nilait ni alyas Gen. Divine sa pagsabing “kayong mga patay-gutom na mayor ay hindi papansinin ni Gen. Magalong at ng Camp Crame kasi ayos na ang parating naming intelihensiya sa matataas na dati kong mga kasamahan.”
Sinabi pa ng mga nagsusumbong na punong-bayan na isang miyembro ng provincial board at isang alkalde na opisyal ng mayor’s leage sa lalawigang ito ang tumatayong negosyador at kasador ng “bingoteng” financer na si alyas Gen. Divine.
HATAW News Team