MAG-INGAT sa mga babaeng nag-aalok ng panandaliang aliw, baka kasamahan sila ng grupo ng mga holdaper.
Ito ang karanasan ng 24-anyos na publishing sales marketing officer, nang matangayan ng iPhone at P4,000 cash, nang biktimahin ng mga holdaper kasama ang isang babae na nag-alok ng sex sa Sta Cruz, Maynila, iniulat kamakalawa.
Personal na dumulog sa tanggapan ng Manila Police District (MPD)-Station 3 ang biktimang si Carlo Banayos, binata, ng 45 Luis Andrade St., Sauyo Compound, Caloocan City.
Naaresto ang isa sa mga suspek na si James Quinto, 20, ng Mauban St., Caloocan City.
Sa ulat ni P/ Supt Alrin Gran, hepe ng MPD-Station 3, dakong 9:00 ng gabi noong March 10 nang naganap ang insidente sa kanto ng Rizal Ave., at Doroteo Jose St., Sta Cruz.
Salaysay ni Banayos, nilapitan siya ng isang babae at inalok ng sex,hanggang paikutan siya ng apat na lalaki at sinabihang irereklamo siya sa pang-aabuso sa una hanggang magdeklera ng holdap saka tinangay ang kanyang iPhone at P4,000 cash.
Makalipas ng isang araw, nagtungo ang biktima sa Isettan Mall at doon nakita niya ang isa sa mga suspek na papasok ng comfort room kaya agad niyang ini-report sa guwardiyang si Al Azuela na nagresulta sa pagkaaresto kay Quinto.
(leonard basilio)