NUEVA VIZCAYA – “Front lang ng jueteng ang lumalawak na operasyon ng Bingo Milyonaryo sa lalawigang ito,” pahayag ni Rep. Carlos M. Padilla, sabay sa kanyang panawagan sa pulisya na hulihin ang mga taong nasa likod ng ilegal na sugal.
Sa kanyang sulat sa central headquarters ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame, sinabi ng kongresista mula sa lalawigang ito na may mga ilegalistang nagpapatakbo ng numbers game na labag sa batas.
Ang tinutukoy ng nasabing mambabatas sa kanyang sulat kay Gen. Benjamin Magalong, hepe ng CIDG, ang operasyon ng Bingo Milyonaryo sa lalawigang ito na ginagawang front ng jueteng.
“I will appreciate if your command can investigate and take appropriate action on this regard,” pahayag ng kongresista sa kanyang sulat sa CIDG.
Sa kaugnay na balita, nanawagan sa Philippine Charity Sweepstakes Office ang pamahalaang panlalawigan na agad imbestigahan ang mga ilegalistang gumagamit sa pangalan ng PCSO sa kanilang raket.
Tinukoy ng ilang alkalde sa lalawigang ito ang isang Alyas General Divine na umano’y nasa likod ng muling pagsulpot ng jueteng na nakakubli sa lehitimong palaro ng PCSO na Bingo Milyonaryo.
“Ang legal at awtorisadong palaro ng Bingo Milyonaryo ay bawal gumamit ng kobrador at kailangan may opisyal na resibo ang mga pataya at nararapat lamang na mag-remit ng arawang sales o benta sa PCSO head office sa Maynila,” pahayag ng isang alkalde sa lalawigang ito, na nakiusap na ‘wag banggitin ang kanyang pagkakakilanlan baka siya’y resbakan ng grupo ni Gen. Divine.
Aniya, batay mismo sa record ng PCSO ay walang sales report na matino ang nasabing operasyon ng Bingo Milyonaryo sa lalawigan at maging sa lahat ng lugar na nag-o-operate ang bagong imbentong numbers’ game ng naturang ahensiya.
“Ginagamit lang ng grupo ni Gen. Divine ang marangal na pangalan ng PCSO bilang kublihan ng kanilang jueteng operations,” dagdag na pahayag ng nagsusumbong na alkalde.
Apat na bayan dito ang pinangalanan ng nagsusumbong na alkalde na talamak umano ang ilegal na sugal na nakakubli sa Bingo Milyonaryo at kanyang hinimok ang DILG na bigyan ng pagkakataong magpaliwanag ang mga namumuno sa nasabing apat na munisipyo kung bakit hindi sila dapat disiplinahin sa pagkabigong mapahinto ang jueteng operation ng grupo ni Gen. Divine.
Ang nasabing mga bayan ay ang Diadi, Bayombong, Dupax Norte at Aritao.
Idinagdag ng nagsu-sumbong na alkalde na kailangan din umanong magpaliwanag si Nueva Vizcaya Mayor’s League officer at Bagabag mayor Johnny Sevillena kung bakit nadadawit ang kanyang pangalan bilang negotiator ng ilegal na paggamit sa Bingo Milyonaryo bilang kublihan ng jueteng operation sa lalawigang ito.
“Kailangan din papanagutin ang Region 2 PNP director na si Gen. Mike Laurel at ang provincial chief ng pulisya dito na si Col. Valfrie Tabian dahil obyus ang kanilang pagkonsinti sa jueteng operation na ang front ay Bingo Milyonaryo kasi araw-araw nilang nakikita ang mga kobrador pero wala silang ginagawa,” anang nagsusumbong na alkalde.