NAGBABALA si Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) President and Chief Executive Officer Atty. Alexander Padilla na kakasuhan ang mga ospital na lalabag sa ipatutupad na no balance billing policy para sa mahihirap na mga pasyente.
Ayon kay Padilla, ang alin mang ospital na mapatutunayang sumingil ng bayad sa mahihirap na pasyente ay sisingilin nang triple ng PhilHealth.
Inihayag ito ni Padilla sa pagdinig ng Senate Committee on Health and Demography na pinamumunuan ni Senador Teofisto Guingona.
Ayon kay Padilla, ipatutupad na ang no balance billing policy sa lahat ng pampublikong pagamutan o ospital sa bansa na magbibigay ng serbisyo sa mga Filipino lalo na kung kabilang sa indigenous at informal settler o mga mahihirap.
Sinabi pa ni Padilla, nakapaloob din ito sa Point of Care Program ng kanilang tanggapan na walang dapat, kahit singkong duling na sisi-ngilin sa mga pasyenteng mahihirap.
Kabilang sa libreng serbisyo ng ahensya ang gamot, laboratory test, at professional fee ng mga doktor.
Sinabi ni Guingona, malaking tulong ito para sa ating mga kababayan na laging nahihirapang makalabas ng ospital dahil sa kakapusan ng salapi o hindi magawang makapunta sa mga pagamutan.
(NIÑO ACLAN)